Umapela ang ABS-CBN President at CEO na si Carlo Katigbak sa Kongreso na bigyan ang kumpanya ng patas na pagtrato sa napipintong pag-isyu ng National Telecommunications Commission (NTC) ng cease and desist order (CDO) sa pagbroadcast ng ABS-CBN sa channel 43, sa pagpatuloy ng franchise hearing para sa network ngayong araw, Hunyo 29.
Sinabi ni Katigbak na patuloy ang pagbroadcast ng ABS-CBN sa TVplus dahil sa blocktime agreement nito at ng AMCARA Broadcasting Network Inc., at iginiit rin nito na ang nasabing kasunduan ay pangkaraniwan at ginagawa rin ng ibang brodkaster.
Sinabi rin ni Katigbak na hindi kasama ang channel 43 sa inihaing CDO ng NTC sa ABS-CBN.
Nang tanungin kung ang network ay susunod sa CDO, umapela si Katigbak na bigyan ng patas na pagdinig gaya nang ibinigay ng Kongreso sa ibang mga kumpanya na napaso ang prangkisa habang nakabinbin sa Kongreso ang mga panukalang magre-renew dito.
“’Yung hinihingi po lang namin is to make sure that we are given due process, so we have the right venue to express our position on this matter. And then whatever decision the NTC comes up with, we will respect the regulatory agency,” sabi ni Katigbak.
Sinabi naman ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas President na si Jun Nicdao, pangkaraniwan na sa industrya ang pag-blocktime. Sa katunayan, may organisasyong Independent Block Timers Association of the Philippines.
Dagdag pa nito na ang blocktime ay pagbili lamang ng airtime, at ang kontrol ng istasyon ay nasa may ari o may prangkisa ng istasyon.
“Blocktimers do not need a franchise to buy airtime from a broadcasting station,” sabi ni Nicdao.
Sinabi naman ni Katigbak sa mga mambabatas na nagtanong ukol sa pag-broadcast ng ABS-CBN sa SKY, na natapos na rin ang prangkisa, na pinayagan ng NTC na magpatuloy na tumakbo ang ibang kumpanyang paso na ang prangkisa habang dinidinig ito ng Kongreso. Dagdag nito, napakarami pa ang maaapektuhan ng pagpapatigil ng TVplus at SKY.
“Between TVplus and SKY, there are about 11 million homes that have access to our service. ‘Pag pinutulan po natin 'yan that's almost 55 million people that will lose access to their entertainment, their news and information. So sana po, ang appeal po namin sa Kongreso is in the spirit of fairness please consider that you have allowed other companies to operate before even after their franchises have expired for so long as Congress continues to hear their application for a renewal,” sinabi ni Katigbak.
Samantala, sinabi ng ABS-CBN counsel na si Atty. Caesar Poblador na walang batas na nagbabawal sa pagkakaroon ng maraming channel at hindi rin nakapaloob sa Republic Act 7966, na nagsasaad ng mga kundisyon ng prangkisa ng ABS-CBN, na ang isang prangkisa ay may katumbas lamang na isang channel.
Sinabi rin ni Poblador na hindi labag sa batas ang pag-offer ng pay-per-view. Sa katunayan, dahil dito, mas dumami ang pagpipilian ng manonood. Sinabi rin niya na ito ay isang serbisyong publiko para sa pamilyang Pilipino dahil pwede na silang manood ng mga pelikula sa tahanan sa pamamagitan nito.
Sinabi rin ng Department of Justice sa NTC noong 2018 na ang pay-per-view ay para sa “commercial purpose.”
Pinabulaanan ni Poblador na pinagbabawal ang ABS-CBN na magbenta ng digital TV set-up boxes at pinayagan ito ng NTC dahil bahagi ito ng digital migration plan.
Kanyang iginiit na dahil sa digiboxes, naging mas malinaw ang panonood ng telebisyon at mas dumami ang palabas mula sa ABS-CBN at iba pang brodkaster na walang dagdag na bayad.
Sinabi naman ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado na ang pagbenta ng ABS-CBN ay isang tanggap na commercial activity at sakop pa rin ng prangkisa ng network.
Sinabi rin ng Philippine Cable Television Association director na si Ralph Casino na binibigyan ng digital broadcast ang mga Pilipino ng mas maraming pagpipiliang panoorin.
“In the old technology, each frequency could only deliver a single channel. With digital compression, broadcasters are able to provide four or more channels. This empowers televiewers and consumers to have more options and program choices,” sabi ni Casino.
Dagdag pa niya, maiiwan sa lumang panahon ang hindi sasabay sa makabagong teknolohiya at ikakamatay ito ng anumang negosyo sa kanilang industriya.
Inilunsad ang ABS-CBN TVplus noong 2015 bilang pagtugon sa utos ng gobyerno sa mga network na lumipat na sa digital broadcast. Dahil dito, nakapagpalabas ang ABS-CBN ng mas malinaw na mga programa. Higit sa 9 milyon na ABS-CBN TVplus na ang nabenta sa buong bansa. Mayroon na rin itong INFOplus, isang public service feature na nagbibigay ng real time alerts sa lagay ng panahon, traffic, balita, at kalamidad. Ang Cinemo channel naman nito ay naghahatid ng job opening para sa mga mangagawa.
Watch your favorite TV programs via Kapamilya Channel on SKY, Cablelink, G Sat, and most cable operators under PCTA nationwide.
Livestreaming of the Kapamilya Channel and on-demand viewing of its programs' full episodes are available on the iWant app and on iwant.ph.