Sa pambihirang pagkakataon ay magiging tagapaghatid ng kaganapan tungkol sa ika-isandaang taong pagdiriwang ng Pinoy Cinema ang ABS-CBN. Ang Kapamilya Network ang napili ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) bilang media partner ng nasabing proyekto. Nilagdaan ang kasunduan nina FDCP Head Liza Dino, ABS-CBN Chief Operating Officer for Broadcast Cory Vidanes, at ABS-CBN Films Managing Director Olivia Lamasan.
Bilang bahagi ng selebrasyon, itatampok ang mga artista noon at ngayon na kinagiliwan sa pinilakang-tabing. Gaganapin ang selebrasyon sa September 12 (Huwebes) sa New Frontier Theatre, Resorts World Manila. Nagpahayag naman ng kagalakan ang FDCP head na makipagtulungan sa ABS-CBN upang bigyang-pugay ang industriya ng pelikulang Pilipino. Itinuturing naman na pribilehiyo ng Kapamilya network na maging bahagi ng ika-isandaang taon ng Pinoy Cinema, kasama ng Film Development Council of the Philippines.
Ang pagridiriwang ng isandaang taon ng Pinoy Cinema ang magsisilbing kick-off ng Pista ng Pelikulang Pilipino na magsisimula na sa September 13 (Biyernes). Sampung pelikula ang kasali sa pista na magtatampok ng iba’t ibang tema. Ilan sa mga pelikulang kasali sa Pista ng Pelikulang Pilipino ang “Panti Sisters” na may rating na PG, at pelikulang “Open” na may rating na PG-16. Ang “Panti Sisters” ay tungkol sa magkakapatid na miyembro ng LGBT community na kailangang magkaanak para makuha ang pamana ng milyonaryong ama. Bida sa nasabing pelikula sina Paolo Ballesteros, Christian Bables, Martin del Rosario at John Arcilla. Bibida naman sa pelikulang “Open” sina JC Santos at Arci Munoz. Ito ay tungkol sa kwento ng long-time lovers na gumawa ng hindi pangkaraniwang hakbang para muling buhayin ang tumatamlay na pagmamahalan.