Nagsama-sama ang bigating Kapamilya stars para ipaabot ang kanilang pagmamahal at pasasalamat sa “Just Love: The ABS-CBN Christmas Special,” na ipinalabas noong Sabado (Dec 16) at Linggo (Dec 17) sa ABS-CBN.
Naghandog ng pasabog na sorpresa at kilig ng ilan sa mga pinakakilalang bituin sa bansa sa pangunguna ng Kapamilya love teams na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, Enrique Gil at Liza Soberano, at James Reid at Nadine Lustre.
Nagtilian din ang audience sa pagkanta ng Kapamilya leading men gaya nina Piolo Pascual, Jericho Rosales, Richard Gutierrez, at Richard Yap ng isang Air Supply medley, habang nagpamalas naman ng galing nila sa pagkanta at pagsayaw ang Kapamilya leading ladies na sina Kim Chiu, Maja Salvador, Julia Barretto, Janella Salvador, at iba pang naggagandahang aktres.
Nagdagdag kinang rin sa nasabing Christmas special ang mga bida ng Metro Manila Film Festival entries na “Ang Panday” na kinabibilangan nina Coco Martin, McCoy de Leon, at Elisse Joson, at ang “Gandarrapido: The Revenger Squad” star na si Vice Ganda, na pinasaya ang manonood sa ginawang Q and A portion kasama ang kanyang co-star na si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Hindi rin dapat palampasin ang naging pasabog ng “It’s Showtime” family na pinangunahan nina Anne Curtis, Billy Crawford, Vhong Navarro, Karylle, at Ryan Bang at ang “Magandang Buhay” momshies na sina Karla Estrada, Melai Cantiveros, at Jolina Magdangal kasama ang ilang kilalang komedyante ng ABS-CBN.
Pinalakpakan ang Bruno Mars-inspired number nina Sarah Geronimo, Darren Espanto, Inigo Pascual, at James Reid pati na rin ang world-class kantahan nina Jed Madela, Jake Zyrus, Richard Poon, at Nyoy Volante.
Naghandog rin ng isang tribute sa mga kabataang Pilipino sina Gary Valenciano, Martin Nievera, Piolo Pascual, Toni Gonzaga, Ogie Alcasid, Jaya, Vina Morales, Rey Valera, Tirso Cruz III, Zsa Zsa Padilla, at Sharon Cuneta.