Inaabangan na ang pagpapalabas ng teleseryeng The General’s Daughter. Ayon sa bidang si Angel Locsin, malaki ang papel ng Armed Forces of The Philippines sa pagpapaganda sa kwento ng serye.
Todo na ang paghahanda para sa pagpapalabas ng The General’s Daughter kasabay nito ang pirmahan ng ABS-CBN at Armed Forces of The Philippines ng Memorandum of Understanding.
Nagpapasalamat din si Angel sa papuri ng ABS-CBN Executives at AFP na nakapanood ng ilang eksena ng The General’s Daughter.
“Siyempre masaya na nagustuhan ng mga bosses natin ‘yung pinaghirapan pero lahat naman tayo kapag trabaho binibigay naman natin ‘yung best natin. Pero hindi lang naman kasi ako ‘yun kundi ‘yung buong The General’s Daughter team talaga,” ani Angel.
Nagbigay update din si Angel sa kanilang ginagawang paghahanda para sa programa, “Kasi dahil inaayos pa ‘yung mga permits, gumawa talaga ako ng paraan like, kung papa’no sa firing, kailangan ko ring aralin ‘yung military side kasi iba rin ‘yung discipline niya talaga.”
Pinuri ni Angel ang pag-aasikaso sa kanila ng AFP na tumulong sa kanilang immersion sa buhay ng isang sundalo.
“They’re very helpful. Napaka-patient nila sa amin. ‘Yung mga nurse corps dito sa AFP, binigyan talaga nila tayo ng oras para bigyan tayo ng guidance kung papa’no ba nila inaalagaan ‘yung mga sundalo natin na nagsakripisyo. Pinakita sa amin ‘yung totoo, ‘yung realidad para maipakita rin natin sa mga viewers natin,” dagdag pa niya.
Kwento rin ni Angel ang naging experience niya na makasama si Maricel Soriano na bahagi ng cast ng programa.
“Unang eksena ko, si Miss Maricel ‘yung ka-eksena ko. Sobrang kabado ako kasi si Miss Maricel alas siyete ang calltime, alas kwatro nangangatok na siya sa kwarto. Gano’n siya ka-professional at naka body make up na siya do’n kasi mahirap ‘yung role niya so puti puti kasi si Tita Maria, napakakinis, Diamond Star ka ‘di ba, so kailangan niya pang magpa-dark. Ayun, naka-body make up na siya ready na siya on the set, on time siya lagi. She’s very professional. Ang galing, ang galing pa rin niya, walang kupas. And she’s very supportive.”
Bukod kay Angel, bahagi rin ng programa sina Janice de Belen, Ryza Cenon, at Eula Valdez.
Ang buong Umagang Showbiz Balita ni Jeff Fernando.
If you are in the Philippines, watch the FULL episode on www.iwantv.com.ph
If you are outside the Philippines, watch the FULL episode on www.tfc.tv