Malapit ng mangalahati ang Kamp Kawayan ni Coach Bamboo dahil nakakuha siya ng walong young artists sa blind auditions ng “The Voice Teens” nitong nakaraang dalawang weekend.
Sumama kay Rockstar Royalty ang mga three-chair turners na sina Nicole Olivo (Laguna), Nathalie Lafuente (Bulacan), at Violette Sta. Cruz (Antipolo City) sa kanyang Kamp Kawayan.
Kasama rin sa kanyang team sina Kevin Mirasol (Manila), Laurence Dalisay (Batangas), Zara Bainigen (Rizal), Allain Gatdula (Tarlac), at Coffee Mapula (Pangasinan).
Nakuha rin ni Coach Martin Nievera ang three-chair turner na si Failene Malijan (Batangas), isang bulag na Gen Z artist na pinabilib ang mga coach sa kanyang audition. Kasama ni Martem ang mga teen singer na sina Andrea Julian (Rizal), Cards Españo (Quezon), Colline Salazar (Las Piñas), at Thor Valiente (Quezon City).
Bumisita rin sa show ang veteran singers na sina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, at Pops Fernandez upang tulungan si Martin na mangumbinsi ng mga artist.
Samantala, ang Team Supreme ni Coach KZ Tandingan ay binubuo ng mga teen singers na sina Hope Sebial (Cebu) at Angelica Palisoc (Pangasinan).
Nakakuha ang “The Voice Teens” ng 189,302 views (Sabado) at 185,820 views (Linggo) sa unang linggo at 182, 390 views (Sabado) at 183, 646 views (Linggo) sa sumunod na linggo nito na napanood sa Facebook at YouTube channel ng Kapamilya Online Live at The Voice Teens Philippines at iWantTFC.
Isa sa pinakamatagumpay na talent-reality show ng ABS-CBN ang “The Voice” na nakadiskubre at gumabay sa mga nangangarap na mang-aawit mula sa iba’t ibang edition at season ng programa na ngayon ay gumagawa na ng sarili nilang marka sa industriya.
Sino kaya ang mga Gen Z singers na makakasama sa Kamp Kawayan, Team Supreme, at MarTeam? Alamin sa “The Voice Teens” tuwing Sabado at Linggo sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at TV5.