Si Jona Soquite ng Team Sarah ang itinanghal na kauna-unahang grand champion ng “The Voice Teens” sa buong bansa at sa Asya matapos siyang makatanggap ng 44.78% ng pinagsamang public text at online votes sa grand finale ng programa noong Linggo ng gabi (Hulyo 30).
Si Jona ang ikatlong artist ni coach Sarah na nagwagi sa kumpetisyon at tinalo mga katunggaling sina Isabela Vinzon ng Kamp Kawayan na nakakuha ng 22.42% ng mga boto, si Mica Becerro ng Team Lea (17.79%), at Jeremy Glinoga ng Team Sharon (15.01%).
Naging matamis ang tagumpay ni Jona dahil dumaan siya sa matinding pamumuna mula sa bashers online. “Nakita ko po ngayon, halos kalahati (ng voters) ang naniwala sa akin. Sobrang saya ko po na naipakita ko sa kanila ang tunay na Jona. Maraming maraming salamat po sa lahat,” aniya.
Bilang winner, nagwagi si Jona ng fashion package, business package, dental service package, P1 milyong cash, P1 milyong halaga ng trust fund, P2 milyong halaga ng life insurance, and isang bagong bahay.
Bago ang performance niya ng kanyang winning piece “I Believe I Can Fly” noong Linggo ng gabi, ipinamalas ni Jona ang kanyang versatility sa kanyang duet kasama si coach Sarah ng “Better Days” at pag-awit ng “Just Dance” ni Lady Gaga.
Talaga namang naging tinutukan ng sambayanan ang unang season ng “The Voice Teens” kaya’t consistent trending topic ito online at nanguna linggo-linggo sa nationwide ratings.
Lalo pang inabangan ng sambayanan ang huling performances ng grand finalists at tagumpay ni Jona dahil nagtala ang grand finale ng national TV ratings na 38.2% noong Sabado (Hulyo 29) at 40.3% noong Linggo (Hulyo 30), base sa datos ng Kantar Media.