• Articles
Paulo ipaglalaban ang pag-ibig kay Ritz sa huling dalawang linggo ng The Promise of Forever

Muling haharap sa matinding hamon ang pag-ibig nina Sophia (Ritz Azul) at Nicolas (Paulo Avelino) dahil handa nang ipaglaban ng immortal man ang kanyang pagmamahal para sa dating kasintahan upang mabuo ang pinapangarap nilang pamilya sa huling dalawang linggo ng “The Promise of Forever.”

Sa pagbabalik ni Nicolas bilang Laurence, muling nagkrus ang kanilang landas ni Sophia at nagkaroon ng pagkakataong makilala ang kanilang anak, na mayroon ding kakayahang pagalingin ang sariling sugat.

Dahil dito, hindi na sasayangin ng immortal man ang pagkakataon at paninindigan ang babaeng minamahal kahit pa pilit siyang itaboy nito at ilayo sa kanilang anak.

Sa muli namang pagtatagpo nina Marlon (Tonton Gutierrez) at Nicolas, sasamantalahin na ng una ang pagkakataon upang makuha ang huling sangkap na kukumpleto sa miracle drug at gagamitin si Sophia upang makuha ang tiwala ni Nicolas.

Ngunit bukod sa kasakiman ni Marlon, mas magiging mahirap din ang pagbabalik ni Nicolas dahil kay Philip  (Ejay Falcon) na gagawin ang lahat upang mapasakanya ang puso ng dalaga, kahit pa idaan niya ito sa dahas.

Ano na nga ba ang kahihinatnan ng pagmamahalan nina Sophia at Nicolas? Magtagumpay na kaya sina Marlon at Philip sa kanilang mga plano?

Huwag palampasin ang huling dalawang linggo ng “The Promise of Forever” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para mapanood ang past episodes ng programa, pumunta lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.