• Articles
“The Promise of Forever” agad na pinaibig ang mga manonood

Tinutukan ng mas maraming Pilipino ang pag-uumpisa ng kwento ng walang hanggang buhay at pag-ibig sa “The Promise of Forever” na pinagbibidahan nina Ejay Falcon, Ritz Azul, at Paulo Avelino, kaya naman namayagpag ito sa TV ratings sa buong bansa at tinalo ang katapat na programa.

Nagkamit nga ang pilot episode noong Lunes (Sep 11) ng serye ng national TV rating na 18.4%, kumpara sa katapat nitong “Haplos” (15.6%), ayon sa datos ng Kantar Media. Nagpatuloy din ang suporta ng manonood sa serye hanggang Martes (Sep 12) at nagkamit ng 18.1% laban sa 16.7% ng karibal na programa.

Naging patok din sa netizens ang pagsisimula ng palabas matapos nitong manguna sa listahan ng trending topics sa social media at umani ng libo-libong tweets sa Twitter sa unang dalawang araw ng pag-ere nito.

Sabi ni @Sandiefandalio1, “First episode pa lang markado na agad! For sure maraming mag-aabang nito, at isa na ako dun.”

“Pilot episode pa lang umiiyak na ako. Masakit! Kaya mo ‘yan, Sophia,” tweet naman ni @aatazmania.

“Umpisa pa lang kita mo na agad ang kalidad. Good job, direk and to all the staff,” pagbabahagi naman ni @melvillaflor26.

Ipinakilala ng “The Promise of Forever” sa mga manonood si Lorenzo (Paulo Avelino), ang ‘immortal man’ na ngayon ay kilala na bilang Nicolas. Natunghayan din ang buhay ni Sophia (Ritz Azul) at ang pangarap niyang maging seawoman upang makatulong sa kanyang pamilya.

At ngayon ngang nakatakda nang magkita ang dalawa sa pagsampa nila ng barko patungong Europe, agad nga kaya nilang makilala ang isa’t-isa? Maging daan na nga ba ito sa muli nilang pagkakalapit? Maging balakid kaya ang pag-ibig ni Philip (Ejay Falcon) sa kanilang tadhana?

Kasama rin sa “The Promise of Forever” sina Cherry Pie Picache, Amy Austria, Benjie Paras, Susan Africa, Ynna Asistio at Nico Antonio. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Darnel Villaflor at Hannah Espia.

Huwag palampasin ang kuwento ng pangako ng walang hanggang pag-ibig sa “The Promise of Forever,” ngayong Lunes na sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167) Para sa karagdagang impormasyon, sundan lang ang @DreamscapePH sa Instagram at Twitter at facebook.com/dreamscapeph sa Facebook.