Coaches Lea, Sarah, Bamboo, Sharon, didinggin ang boses ng kabataan sa “The Voice Teens”

Matapos marinig ang boses ng adult at kiddie artists, pagkakataon naman ng teens na bumida at ipaglaban ang kanilang pangarap sa kauna-unahang pagkakataon sa buong Asya sa top-rating singing reality show na “The Voice.”

Makakasama ng talented artists na edad 13 hanggang 17 years sa once-in-a-lifetime musical journey na ito ang apat na superstar coaches na sina Lea Salonga, Sarah Geronimo, Bamboo, at Sharon Cuneta.

“I don’t know what to expect. I joined the ‘Kids,’ ngayon biglang ‘Teens.’ Relax lang. It’s nice to be with people you’ve worked with before. It’s exciting, it’s the beginning of something na naman,” pahayag ng Megastar.

Nagsimula na nga ang blind auditions ng unang edisyon ng “The Voice Teens” kung saan sinasala ang teen artists na nagmula sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo. Ito ang unang yugto ng kumpetisyon na kailangan nilang maipasa at makapasok sa team ng coach na iikot para sa kanila.

“Ang gusto ko sa teens at kung bakit mas madali siya is ‘yung edad nila mas malapit na (sa amin). Pwede kang mas maging kritikal sa kanila. It’s a different game this time around. The teens, I’ll still give them a hard time – it’s my job,” sabi ng rock icon na si coach Bamboo.

Gaya sa nakaraang seasons, naghanda raw ang coaches ng kani-kanilang pakulo para makuha ang artists na pag-aagawan nila. Ngunit ayon kay coach Lea, madaming pangyayari sa blind auditions ang hindi inaasahan na mas napapansin ng mga manonood.

“Sa maraming pagkakataon, kahit anong preparation pa ang meron ka, may mga mga nasasabi ka para ipaglaban ang isang tao na hindi mo hinanda. Lahat nanggagaling sa puso at spontaneous. And I think mas masaya ‘pag may hindi kai ne-expect, na hindi planado,” ayon sa tinaguriang broadway diva.

Excited naman ang nagbabalik sa programa na si coach Sarah matapos magpahinga ng isang season. Aniya, na-miss niya ang pagko-coach at gagawin niya ang lahat para muling manalo ngayong season.

“Feeling ko teenager pa rin ako. Feeling ko dapat familiar ka sa current hits kasi ‘yun na ‘yung sound nila, parang nagiging isa na nga lang din. Ang challenge doon, paano mo papalabasin ang totoong sila,” aniya.

Kaninong team kaya manggagaling ang susunod na grand champion? Sa aling bahagi ng Pilipinas o mundo kaya manggagaling ang susunod sa yapak ng “The Voice of the Philippines” champions na sina Mitoy at Jason Dy, at “The Voice Kids” champions na sina Lyca Gairanod, Elha Nympha, at Joshua Oliveros?

Abangan ang pagsisimula ng “The Voice Teens,” malapit na sa ABS-CBN. Para sa updates ukol sa programa, bisitahin ang thevoice.abs-cbn.com, i-like ang www.facebook.com/TheVoiceTeensABSCBN sa Facebook o i-follow ang @thevoiceabscbn the Twitter at @thevoiceteensabscbn sa Instagram.