• MONDAY-FRIDAY AFTER 2 GOOD 2 BE TRUE
  • MONDAY-FRIDAY AFTER 2 GOOD 2 BE TRUE
Broken Marriage Vow Mid Season Trailer

Huling-huling sa akto si David (Zanjoe Marudo)! Nakita mismo ni Jill (Jodi Sta. Maria) ang paghahalikan ng asawa niyang si David at ang kabit nitong si Lexy (Sue Ramirez) sa “The Broken Marriage Vow,” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Nakumpirma na ni Jill na nagkabalikan sina David at Lexy matapos niyang sumugod sa opisina ni David. Bago nito, muling nalamon si Jill ng kapraningan dahil natuklasan niya mula kay Nathalia (Rachel Alejandro), ang ina ni Lexy, na madalas magkita sina David at Lexy para sa isang proyekto ng kanilang mga kumpanya.

Habang dismayado si Jill sa mga pangyayari, magdedesisyon siyang bisitahin ang mentor niyang si Doc Jose (Ronnie Lazaro) at iwanan muna ang kanyang pamilya upang makapag-isip. Naguguluhan pa si Jill kung tuluyan na ba niyang hihiwalayan si David dahil nag-aalala siya kay Gio (Zaijian Jaranilla), ang nag-iisa nilang anak, kapag nalaman nito ang pambababae ng kanyang ama.

Samantala, wala pa ring kamalay-malay si David na alam na ni Jill ang relasyon niya kay Lexy. Nagkasundo sina David at Lexy na itatago pa rin nila ang kanilang relasyon at nangako naman si David na makikipaghiwalay din siya kay Jill sa tamang panahon.

Tinutukan at pinanggigilan ng mga manonood ang episode nitong Martes (Marso 1) pagkatapos mag-trending sa Twitter Philippines ang hashtag na #TBMVFooled at “no fooling jill.” Inilabas na rin ng “The Broken Marriage Vow” ang mid-season trailer ng serye, kung saan ipinasilip ang paghihiganti ni Jill pagkatapos niyang malaman na niloloko ulit siya ni David.

Bukod sa iWantTFC at Viu, nasusubaybayan ang “The Broken Marriage Vow” mula Lunes hanggang Biyernes, 8:40 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “The Broken Marriage Vow.”