• Articles
“Tawag Ng Tanghalan kids” Grand Champion, papangalanan sa Sabado

Tuloy-tuloy ang labanan ng bosesan tuwing tanghali sa “It’s Showtime” dahil buong linggo nang nagpapakitang gilas ang natitirang semi-finalists ng “Tawag ng Tanghalan Kids” at nakikipaglaban upang makapasok sa inaabangang grand finals ngayong Sabado (June 10).

Simula noong Lunes (June 4), araw-araw na ngang natutunghayan ng mga manonood ang makapigil-hiningang sagupaan ng semifinalists kung saan itinanghal na unang grand finalist si Mackie Empuerto mula Metro Manila matapos niyang awitin ang kantang “And I Am Telling You” ng kanyang idolong si Charice.

Nito namang Martes (June 5), nasungkit ni Francis Concepcion mula Zamboanga del Sur ang puwesto bilang pangalawang grand finalist sa pag-awit niya ng kantang “Flashlight” na awitin naman ng kanyang idolong si Jessie J.

Gaya ng dati, kailangan mapabilib ng semifinalists ang mga hurado, kung saan manggagaling ang 50% ng kanilang puntos. Ngunit maririnig na rin ang boses ng mga manonood at tagasubaybay dahil ang natitirang 50% ay magmumula sa public text votes. Ang semifinalist na makakakuha naman ng pinakamataas na combined score bawat araw ang magpapatuloy sa grand finals.

Samantala, patuloy naman sa laban ang pitong natitirang semifinalists na gagawin ang lahat upang tanghaling pinakamagaling na batang mang-aawit ng kumpetisyon.

Una na nga rito ang tatlong chikiting na magtatayo ng bandera ng Mindanao. Mula sa pagsama sa pamamasada ng jeep at paminsang pagiging barker ng kanyang ama, pipiliting abutin ni Keifer Sanchez ng Davao City ang tagumpay para mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang pamilya. Hangad naman ni Shaina Allaga ng Zamboanga del Sur na maabot ang kanyang pangarap sa murang edad mula sa pagsali sa iba’t-ibang amateur singing contests. Nariyan din si Jhon Clyd Talili ng Surigao del Sur, ang kauna-unahang semifinalist ng “Tawag ng Tanghalan Kids,” na nais ipakitang kaya niyang pandindigan ang kampeonato hanggang sa dulo.

Mula naman sa Luzon, sisikapin ni Jamiel Convicto ng Cavite na umawit mula sa kanyang puso sa kabila ng kondisyon sa paa. Samantala, dadalhin naman ni John Ramirez ng Binangonan, Rizal ang kanyang galing sa basketball sa entablado ng “Tawag ng Tanghalan.”

Ang nag-iisang contender ng Visayas na si Sheenna Belarmino ng Cebu City ay mahilig sa sports, pagbida sa mga play, at pagiging honor student, ngunit gusto niyang patunayan na aangat siya sa pinakagusto niyang gawin – ang pag-aawit.

Pamilya rin ang inspirasyon ng isa pang Metro Manila contender na si Sidro Quilicol ng Parañaque, na pinapalakas ang loob ng kanyang lolo at lola na sinasamahan niya sa paglalako ng gulay sa kariton.

Sino-sino kaya ang bubuo sa listahan ng grand finalists? Sino at saang pulo kaya magmumula ang susunod sa yapak ni Noven Belleza bilang “Tawag ng Tanghalan” grand champion?

Sa nalalapit na pagtatapos ng “TNT Kids” ay siya rin namang pagbubukas ng bagong kabanata ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime” sa muli nitong paghahanap ng magagaling na singers sa bansa simula Lunes (Hunyo 12).

Huwag palampasin ang semifinals ng “Tawag ng Tanghalan Kids,” tuwing tanghali sa “It’s Showtime” na mapapanood sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa past episodes ng programa, mag-login lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.