Ang bente anyos na si Elaine Duran ng Butuan City, Agusan del Norte ang nagwagi bilang pinakabago at ikatlong grand champion ng “Tawag ng Tanghalan” sa grand finals ng pinakamalaking singing competition sa bansa sa “It’s Showtime” noong Sabado (Setyembre 28).
Sinelyuhan ni Elaine ang panalo niya sa huling round kung saan inawit niya ang isang medley ng mga kanta ni Basil Valdez na “Saan Ka Man Naroroon,” “Sana ay Ikaw na Nga,” at “Ngayon and Kailanman.” Dahil dito, siya ang nakakuha ng pinakamataas na combined average score na 41.18% mula sa madlang people votes at hurado scores.
Pinadagungdong naman ni Elaine ang buong Caloocan Sports Complex at ang online world nang mag-rap at awitin niya ang kakaibang bersyon niya ng hit song ni Shanti Dope na “Nadarang” sa unang round.
Bilang ang pinakabagong “Tawag ng Tanghalan” grand champion, nag-uwi si Elaine ng family vacation package, custom in-ear monitors, isang business franchise, talent management contract sa ABS-CBN, recording contract sa TNT Records, isang bagong house and lot, at P2 milyon.
Bago pa man ang grand finals, gumawa na ng kasaysayan sa Elaine sa noontime singing competition nang tanghalin siyang kauna-unahang “TNT record holder,” isang contestant na naging defending champion sa sampung sunod-sunod na araw.
Tinalo ni Elaine ang iba pang grand finalists, ang second placer na si John Mark Saga na nagwagi ng P500,000, at si John Michael Dela Cerna, na pumangatlo at nakakuha ng P300,000. Panalo naman ng tig-P100,000 ang iba pang grand finalists na sina Kim Nemenzo, Shaina Mae Allaga, at Jonas Oñate.
Marami ang nag-abang at tumutok sa pagluluklok sa bagong grand champion ng “Tawag ng Tanghalan” dahil nanguna sa listahan ng trending topics sa Twitter sa buong mundo ang official hashtag ng grand finals na #TNT3AngHulingTapatan. Napabilang din sa trending topics sina Elaine, John Mark, John Michael, ang “Nadarang,” ang bandang December Avenue, Kim, Shaina, at iba pa.