• LUNES-SABADO SA IT'S SHOWTIME!
  • LUNES-SABADO SA IT'S SHOWTIME!
Janine, wagi bilang TNT grand champion

Janine ng Cebu wagi bilang pinakabagong Tawag ng Tanghalan grand champion 1

Itinanghal na pinakabagong grand champion ng “Tawag ng Tanghalan” si Janine Berdin, isang 16 anyos na estudyante mula Cebu, sa grand finals ng pinakamalaking singing competition sa bansa sa “It’s Showtime” noong Sabado (Hunyo 2) sa Aliw Theater.

Naitala ni Janine ang pinakamataas na total average score na 96.11% mula sa combined hurado scores at text at online votes. Dinaig niya ang kapwa final three grand finalists na sina Ato Arman (74.27%) ng Bukidnon at Steven Paysu (61.80%) ng California, USA.

Ang pinakabata sa kumpetisyon, si Janine rin ang pinakaunang pumasok sa isang linggong grand finals at maagang naging paborito ng mga manonood at netizens para sa kanyang kakaibang boses, mapangahas na atake sa mga awitin, at tagos-pusong performances.

Sa huling tapatan, nakakuha ng standing ovation si Janine mula sa mga hurado at madlang people sa Aliw Theater matapos niyang mag-perform ng medley ng songs ni Bamboo na “Noypi,” “Tatsulok,” at “Hallelujah.”

Bago ito, inawit niya ang “Nosi Balasi” ng Sampaguita bago siya tawaging “ang bagong tunog ng OPM” ng hurado at pop rock princess na si Yeng Constantino.

Bilang grand champion, panalo si Janine ng ultimate vacation package mula 2GO, musical gadgets package mula JB Music, isang negosyo package mula Siomai House, television sets mula HKTV, management contracts, bagong house and lot mula Camella, P2 milyon, at isang tropeo na nilikha ng kilalang Filipino visual artist na si Toym Imao.

Samantala, wagi naman si Ato ng P500,000 bilang second placer, at si Steven ng P250,000 bilang third-runner up.

Marami ang nag-abang at tumutok sa pagluluklok sa bagong grand champion ng “Tawag ng Tanghalan” dahil kakasimula pa lang ng programa, ito na agad ang nanguna sa listahan ng trending topics sa Twitter sa buong mundo. Nakapasok din sa pangalawang pwesto ang pangalan ni Janine.

Bukod sa TV, pinanood din ang pangmalakasang bosesan sa YouTube sa pamamagitan ng live streaming. Nakakalap ng higit sa 100,000 concurrent views ang live video ng “Tawag ng Tanghalan” grand finals – ang pinakamaraming naitala ng kahit anong Kapamilya program o coverage sa YouTube. Ito ay matapos magtala ang “Tawag ng Tanghalan” ng isang milyong likes sa Facebook page nito kamakailan.

Bukod pa sa mga iyan, nalamangan din isang linggong “Tawag ng Tanghalan” grand finals ngayong taon ang bilang ng mga botong nakalap noong nakaraang taon, patunay na maraming tagahanga ang nangampanya at sumuporta ng kani-kanilang pambato mula sa buong bansa at mundo.

Matapos naman ang pagalingan sa pagkanta, pagandahan at paggaling naman sa pagsagot ang dapat na abangan ng madlang people sa grand finals ng segment na “Miss Q & A” sa “It’s Showtime” sa Hunyo 30.