• LUNES-SABADO SA IT'S SHOWTIME!
  • LUNES-SABADO SA IT'S SHOWTIME!
Sino ang tatanghaling pinakabagong “Tawag ng Tanghalan” grand champion?

 

Matapos ang isang taong paghahanap sa bansa at buong mundo, susuungin na ng 12 mang-aawit na may iba’t ibang istilo at galing ang huling laban upang tanghaling pinakabagong grand champion ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime.

 

Isang linggong bakbakan sa kantahan ang sinimulan nang pagdadaanan ng grand finalists –isa mula Metro Manila, dalawa mula Luzon, tatlo mula Visayas, apat mula Mindanao, at dalawang global contenders – upang maangkin ang isa sa anim na pwesto sa huling araw ng huling tapatan sa Sabado (Hunyo 2), live sa Aliw Theater.

 

Sa unang araw ng huling tapatan kahapon (Mayo 28), nagsimula nang magtagisan ang anim na singers na sina Alfred Relatado ng Davao Occidental, Remy Luntayao ng Negros Occidental, Sofronio Vasquez ng Misamis Occidental, Makoto Inoue ng Japan, Reggie Tortugo ng Ormoc, Leyte, at Arabelle Dela Cruz ng Calamba, Laguna.

 

Bitbit naman ang kwento ng kanilang buhay at pangarap, patuloy ang pasiklaban sa Martes (Mayo 29) nina Jovany Satera ng North Cotabato, Anton Antenorcruz ng Parañaque, Tuko Delos Reyes ng Aurora, Steven Paysu ng California, USA, Janine Berdin ng Cebu, at Ato Arman ng Bukidnon.

 

Ang dalawang grand finalists na makakakuha ng pinakamataaas na combined average score mula sa hurado scores at text at online votes ang siyang aabante sa huling araw ng tapatan sa Sabado. Samantala, ang dalawa namang magtatala ng pinakamababang average scores ay hindi na magkakaroon ng pagkakataong ipagpatuloy ang kanilang laban.

 

Muli namang maglalaban ang natitirang walong grand finalists ngayong Miyerkules at Huwebes (Mayo 30 at 31), at sa kanila kukuning muli ang dalawang grand finalists na aabante sa Sabado at dalawa ring magpapaalam na sa kumpetisyon.

 

Ang dalawang grand finalists naman na aangat sa botohan at hurado scores matapos ang kanilang performances sa Biyernes (Hunyo 1) ang kukumpleto sa tagisan sa Sabado, at tuluyan nang uuwi ang dalawa pang natitira.

 

Sa Sabado naman, magsasalpukan na ang anim na grand finalists sa unang round, kung saan kukunin ang final three na siyang maglalaban-laban para sa titulong grand champion.

 

Tiyak na mababago ang buhay ng tatanghaling grand champion dahil mapapasakanya ang ultimate vacation package mula 2GO, musical gadgets package mula JB Music, isang negosyo package mula Siomai house, television sets mula HKTV, management contracts, bagong house and lot mula Camella, P2 milyon, at isang tropeo na nilikha ng kilalang Filipino visual artist na si Toym Imao.

 

Samantala, maaari ring mapanood online ang huling tapatan sa Showtime.abs-cbn.com/Livestream.

 

Abangan kung sino ang tatanghaling “Tawag ng Tanghalan” grand champion ngayong Sabado (Hunyo 2) sa “It’s Showtime” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167).