• LUNES-SABADO SA IT'S SHOWTIME!
  • LUNES-SABADO SA IT'S SHOWTIME!
Mga pambato ng Metro Manila at Visayas, matindi na ang bakbakan sa “Tawag ng Tanghalan” Quarter 2 semifinals

Natatanging Pinoy talent pa rin ang handog ng “It’s Showtime” sa huling linggong pasabog ng eighth anniversary celebration nito sa salpukan ng boses ng aspiring singers mula Metro Manila at Visayas sa Quarter 2 Semifinals ng “Tawag ng Tanghalan” Year 2.

Tuloy-tuloy lang ngayong linggo ang tapatan ng limang semifinalists – apat mula Metro Manila at isa mula Visayas – na patutunayan ang kanilang galing gamit ang mga awiting magluluklok sa kanila sa grand finals.

Buong tapang na ipinamamalas ni Anton Antenorcruz ang kanyang tinig mula Metro Manila at lalaban kahit pa malayo siya sa mga mahal sa buhay. Minsan niya nang isinantabi ang pagmamahal sa pag-awit, pero ngayon, handa na muli niyang harapin ang entablado at kunin ang golden mikropono upang tuparin ang mga naudlot na pangarap.

Hindi naman gagawing hadlang ni John Raymundo ng Metro Manila ang edad upang makuha ang pagkapanalo. Mula sa pamilya ng musikero, sisiguraduhin ng 57 anyos na singer na ipagmamalaki siya ng kanyang angkan sa pagharap niya sa panibagong hamon ng kanyang karera.

Nag-umpisa man bilang mananayaw, ipakikita naman ng isa pang contender ng Metro Manila na si Mark Michael Garcia na kaya niya ring makipagsabayan pagdating sa kantahan. Hindi siya titigil na abutin ang kanyang mga pangarap at patutunayang mayroon din siyang puwesto sa industriya ng musika.

Mula rin sa Metro Manila, patuloy namang gagamitin ni Rico Garcia ang kanyang talento upang maging tulay sa pagkakabuo ng kanyang pamilya. Magsisilbing inspirasyon sa kanyang laban ang mga anak niyang ilang taon nang nawalay upang makatawid ng grand finals.

Bagama’t nag-iisang babae at contender mula Visayas, lalaban naman si Remy Luntayao upang mapahaba pa ang buhay ng kanyang ina na may sakit sa bato. Ang kanyang mala-anghel na tinig ang magiging sandata niya upang mapatunayang karapatdapat niyang makuha ang kampeonato.

Gaya ng unang semifinals, idedeklara ang contenders na makakapasok sa grand finals mula sa combined scores ng mga hurado at boto ng madlang people.

Muli rin silang huhusgahan base sa kanilang sa pag-awit nila ng kanilang audition songs, awiting panlaban o fight song, awit para sa pamilya, awit ng kanilang musical influence, hurado’s choice, at awit ng kanilang buhay.

Sino nga kaya sa kanila ang magkakaroon ng pagkakataong maiuwi ang titulo bilang grand champion ng “TNT” Year 2?

Samantala, maaari ring mapanood online ang labanan sa Showtime.abs-cbn.com/Livestream.

Huwag palampasin ang good vibes na hatid ng “It’s Showtime,” tuwing tanghali sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167). Para sa past episodes ng programa, pumunta lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.