• LUNES-SABADO SA IT'S SHOWTIME!
  • LUNES-SABADO SA IT'S SHOWTIME!
“Tawag ng Tanghalan,” inungusan ang US reality show sa Twitter trending topics

 

Matindi ang kapit ng mga tagasubaybay sa malupit na ultimate resbak round ng “Tawag ng Tanghalan” dahil online, naungusan ng naturang kumpetisyon ang grand finals ng ika-16 na season ng “American Idol” sa trending topics sa Twitter sa buong mundo.

 

Nitong Martes (Mayo 22), umakyat sa listahan ng trending topics ang hashtag na #ShowtimeTodoResbak dahil sa makapigil-hiningang performances at pakulo ng patimpalak na “seat of power,” kung saan kasalukuyang nakaupo sina JM Bales at Ato Arman.

 

Umangat din ang pangalan ng Quarter 1 semifinalist at ultimate resbaker na si Aila Santos sa trending topics dahil sa kabila ng pagiging fan favorite ay natanggal siya matapos makabangga sa kantahan si Ato.

 

Talaga namang napapakapit at pinag-uusapan ng mga manonood ang kakaiba at kapana-panabik na proseso ng pagsasala ng resbakers sa isang linggong ultimate resbak round dahil iba-ibang istratehiya at matapang na naghahamunan ang resbakers, maluklok lang sa “seat of power.”

 

Sa ngayon, tuloy pa ang laban nina JM at Ato, Arabelle dela Cruz, Adelene Rabulan, Aljun Alborme, Christian Neil Bahaya, Arbie Baula, Mark Michael Garcia, Lalainne Arana, at Boyet Onte.

 

Mula ulit sa pinagsamang scores ng mga hurado at madlang people votes, malalaman kung sino ang magpapatuloy na maluklok, hanggang sa tanging dalawang ultimate resbaker na lang ang matira sa Sbaado (Mayo 26). Ang dalawang ito naman ang siyang kukumpleto sa huling tapatan o grand finals na magsisimula sa susunod na linggo.

 

Aling dalawang resbaker kaya ang matitirang matibay at papasok sa grand finals?