• LUNES-SABADO SA IT'S SHOWTIME!
  • LUNES-SABADO SA IT'S SHOWTIME!
Isang dosenang Grand Finalists, malapit nang makumpleto para sa huling tapatan ng “Tawag ng Tanghalan” sa Setyembre 21


Habang papalapit ang grand finals ng ikatlong taon ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime, unti-unti na ring nakukumpleto ang 12 na pangmalakasang boses na magtatapatan sa grand finals na kikilalanin ang pinakabagong grand champion sa Setyembre 21.


Pinunan nina Shaina Mae Allaga ng Zamboanga del Sur at Rafaello Cañedo ng Davao del Sur ang ikasiyam at ikasampung pwesto kahapon (Setyembre 6), matapos nilang pagtagumpayan ang Instant Resbak week at nakuha ang pinakamatatataas na combined madlang people votes at hurado scores sa pagtatapos ng Instant Resbak week.


Nananatiling mahigpit ang kapit ng madlang people sa matinding bosesan sa tanghalian dahil dadaloy pa rin ito sa Ultimate Resbak Week naman na nagsimula noong Sabado (Setyembre 7) at kung saan 16 na resbakers ang magsasagupaan para kumpletuhin ang 12 grand finalists na magtutuos sa huling tapatan.


Sa pag-uumpisa ng Ultimate Resbak week, ang huling yugto ng kumpetisyon bago ang grand finals, iniluklok sa “seat of power” sina Mariane Osabel at Kim Nemenzo.


Makapigil-hiningang performances pa rin ang aabangan dahil gaya noong nakaraang taon, isang linggong sasalain ang resbakers na gagamit ng iba-ibang istratehiya at matapang na hahamunin ang isa’t isa para mailuklok sa “seat of power.”


Sino kaya ang huling singers na lalaban sa grand finalists na sina Elaine Duran, Ranillo Enriquez, John Mark Saga, John Michael Dela Cerna, Charizze Arnigo, Jonas Oñate, Violeta Bayawa, Julius Cawaling, at Shaina Mae at Rafaello? 


Mapatutok ang madlang people sa isang linggong huling tapatan mula Setyembre 16 hanggang 21, kung saan tatanghalin ang pinakabagong “Tawag ng Tanghalan” grand champion na magwawagi ng house and lot, negosyo package, family vacation package, management contract mula ABS-CBN, recording contract sa TNT Records, at P2 milyon.


Patuloy na subaybayan ang pasiklaban sa kantahan sa Tawag ng Tanghalan, sa It’s Showtime tuwing tanghali sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167).