"Ningning," magbibigay kulay at inspirasyon sa ABS-CBN Prime-Tanghali simula sa Lunes
Ipasisilip na araw-araw ng pinakabagong daytime teleserye ng ABS-CBN na “Ningning” ang kagandahan ng buhay, pangarap, at tunay na kahulugan ng kaligayahan simula ngayong Lunes (Hulyo 27).

Ang teleseryeng ito na mula rin sa mga gumawa ng 'di malilimutang kwento ng "Be Careful With My Heart" at "Oh My G" ay pagbibidahan ng Kapamilya child actress na si Jana Agoncillo.

Matapos makilala ng mga manunuod sa charming primetime teleserye na “Dream Dad,” bibigyang buhay naman ni Jana sa pinakabagong feel-good Prime-Tanghali teleserye ng ABS-CBN ang karakter ni Ningning, isang masayahing bata na puno ng pag-asa, pangarap, at pagmamahal para sa kanyang mga magulang na sina Lovely (Beauty Gonzales) at Dondon (Ketchup Eusebio).

Dapat abangan ng mga manonood kung paano na sa gitna ng masayang mundong ginagalawan ni Ningning at ng kanyang pamilya ay unti-unting subukin sila ng isang malaking pangyayari? Kaya pa bang maging maningning ng kanilang buhay sa gitna ng mga pagsubok na ito?

Ayon sa direktor ng programa na si Jeffrey Jeturian, bilib siya sa bida ng teleserye na si Jana dahil sa husay nito bilang isang artista.

“One of a kind star si Jana. Bukod sa may talent siya, napakatalino niya para sa edad niya. Alam niya ang ginagawa niya at palagi siyang handa sa mga eksena na gagawin niya. Kabisado niya hindi lang ang mga linya niya kundi pati ng mga artistang ka-eksena niya. Ganoon siya ka-smart,” pahayag ni Direk Jeffrey, na siya ring naging direktor ng “Dream Dad” at “Be Careful With My Heart.”

Samantala, bukod sa feel-good na kwento ng karakter ni Jana, masisilayan din ng TV viewers sa “Ningning” ang ganda ng bayan ng San Vicente, Palawan, kung saan kinuhaan ang unang linggo ng teleserye. Ipakikita rin ng programa ang kakaiba at nakamamanghang ganda na taglay ng isla at ang masayang komunidad na naninirahan dito.

Kasama rin nina Beauty, Ketchup, at Jana sa “Ningning” ang ilan sa pinakahinahangaang artista sa industriya na sina Sylvia Sanchez, Vandolph Quizon, Nyoy Volante, Rommel Padilla, Mercedes Cabral, Pooh, at John Steven de Guzman. Tampok din sina Nonie Buencamino at Franco Daza para sa kanilang espesyal na partisipasyon.

Huwag palampasin ang pagsisimula ng pinakabagong daytime drama series na magbibigay-liwanag sa araw ng TV viewers, “Ningning” ngayong Lunes na bago mag-“It’s Showtime” sa Prime-Tanghali ng ABS-CBN. Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng “Ningning,” mag-log on lamang sa www.abs-cbn.com, o sundan ito sa Twitter.com/abscbndotcom.