"Nathaniel", ibabalik ang tiwala sa kabutihan ng tao
Gabi-gabi nang ipaaalala sa TV viewers ang likas na kabutihan ng bawat isa sa pamamagitan ng pinakabagong primetime drama series ng ABS-CBN na “Nathaniel” na pagbibidahan nina Gerald Anderon, Shaina Magdayao, at ang pinakabagong child actor na si Marco Masa. Ito ay magsisimula na ngayong Lunes (Abril 20).



“Siguradong gagaan ang loob ng mga manonood sa kwento ng ‘Nathaniel,’ lalo na sa panahon ngayon kung kailan maraming pinagdadaanang pagsubok ang mga Pilipino,” pahayag ni Gerald.

“Swak na swak para sa buong pamilya ang kwento ng ‘Nathaniel’ dahil sa mga aral at inspirasyon na maibibigay nito hindi lang para sa mga kabataan, kundi para sa lahat ng tao,” ani Shaina.

Ang pinakabagong teleserye ng ABS-CBN ay iikot sa kwento ni Nathaniel (Marco), isang anghel na may misyong bumaba sa lupa para ibalik ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos at ipaalala ang likas na kabutihan ng puso ng bawat isa.



Paano magbabago ang pananaw ni Nathaniel sa mga tao sa oras na maranasan niya ang hirap, sakit, at kasamaan sa mundo? Ano ang kanyang gagawin upang mapatatag ang pananalig at paniniwala ng lahat sa Diyos?

Bahagi rin ng powerhouse cast ng “Nathaniel” sina Pokwang, Isabelle Daza, Benjie Paras, Jayson Gainza, Ogie Diaz, Sharlene San Pedro, Jairus Aquino, Yesha Camile, David Chua, Young JV, Fourth at Fifth Pagotan, at Coney Reyes. Ito ay sa ilalaim ng direksyon nina Darnel Joy Villaflor at Francis Pasion.



Ang official soundtrack ng “Nathaniel” na “Lupa Man ay Langit na Rin” ay inawit ng King of Teleserye Themesongs na si Erik Santos.

Ang "Nathaniel" ay ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment Television, ang grupong lumikha ng dekalibre at top-rating inspirational drama series tulad ng “May Bukas Pa,” “100 Days to Heaven,” at “Honesto.”

Huwag palampasin ang pagsisimula ng kwento na magpapatunay na may kabutihan sa puso ng mga tao, “Nathaniel,” ngayong Lunes na sa ABS-CBN Primetime Bida. Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng programa, bisitahin lamang ang official social networking site ng Dreamscape Entertainment Television sa Facebook.com/DreamscapePH, Twitter.com/DreamscapePH, at Instagram.com/DreamscapePH.