• SATURDAY AFTER TV PATROL WEEKEND
  • SATURDAY AFTER TV PATROL WEEKEND
Hopefuls ng “My Papa Pi,” makikilala na ngayong Sabado

Parating na ang bagong magpapasaya sa sambayanang Pilipino sa pagsisimula ng “My Papa Pi” ngayong Sabado (Marso 19) tampok ang “hopefuls” ng Mapag-asa Street sa pangunguna nina Piolo Pascual, Pepe Herrera, at Pia Wurtzbach.

Matutunghayan na ang kwento ng kambal na sina Pipoy (Piolo) at Popoy (Pepe) at ang babaeng magpapaibig sa kanilang dalawa na si Tere (Pia) mamayang 7pm.

My Papa Pi poster

“My name is Pipoy Papa. Kambal ko si Pepe Herrera. Meron kaming tumbungan kaming kambal tapos meron akong anak si Mikay, na mahal na mahal ko. Marami kaming pangarap sa buhay kaso sa kasamaang palad may nangyari sa kambal ko and I had to do something para matuloy ‘yung legacy namin na tumbungan,” pagpapakilala ni Piolo sa kanyang karakter.

Sa teaser na ipinalabas ng Star Creatives Television kamakailan lang, ibinunyag na nga na ang kambal na magkaiba ay magiging isa matapos ang biglaang pagpanaw ni Popoy. Mabuko kaya ang lihim nila ni Tere at ng mga kasama nila sa Mapag-asa Street?

Sa ipinasilip na script reading ng cast, ibinida naman ng direktor ng “My Papa Pi” na si Cathy Garcia-Molina ang mga makakasama nina Piolo, Pepe, at Pia sa kanilang sweetcom na sina Joross Gamboa, Katya Santos,  Hyubs Azarcon, Anthony Jennings, Daniela Stranner, Frenchie Dy, Alora Sasam, Allyson Mcbride, Anthony Andres, Quincy Villanueva, Haiza Madrid, at Madam Inutz.

“Hindi lang naman si Piolo at si Pepe at si Pia ang bida dito. But the entire community, the hopefuls. So they are as important as them. It’s going to be entertaining for all of you,” ani ni Direk Cathy.

Tulad ng mga karakter sa kanilang palabas, matibay na rin ang samahan ng cast at crew ng programa na ilang buwan ding nagsama sa lock-in taping, kung saan nagtayo talaga sila ng set na nahahawig sa lugar kung saan totoong patok ang tumbungan.

Mapapanood ang “My Papa Pi” tuwing Sabado ng 7 pm simula mamaya (Marso 19) sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube, iWantTFC, at TFC. Sundan ang Star Creatives sa Twitter Facebook, at Instagram  para sa updates.