• MONDAY-FRIDAY AFTER HUWAG KANG MANGAMBA
  • MONDAY-FRIDAY AFTER HUWAG KANG MANGAMBA
Marry Me Marry You AVP: Get to know more about this much awaited romantic family drama series!

Package deal nga ba ang pag-ibig kaya’t kailangan ding pakasalan ang pamilya at mga kaibigan ng taong minamahal?

Iyan ang sasagutin ng bagong kwentong pagbibidahan nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez sa inaabangang “Marry Me, Marry You,” ang unang Kapamilya teleserye nina Janine at Sunshine Dizon na mapapanood ngayong Setyembre 13 ng 9:20 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at TV5.

Sa mga gustong makapanood nang maaga, ipapalabas ang serye sa iWantTFC app (iOs at Android) at sa iwanttfc.com sa Setyembre 11, dalawang araw bago ito eere sa TV.

Good vibes at kilig ang hatid ng mga karakter nina Paulo at Janine na sina Andrei at Camille, na magkaiba ang kinalakihang pamilya.

Masayahin si Camille at mayroong isang malaking pamilya sa piling ng kanyang tatlong ninang na sina Elvie, Marvi, at Paula (Cherry Pie Picache, Vina Morales, at Sunshine Dizon). Kinupkop siya ng mga ito at tinuring nang anak pagkatapos pumanaw ang sarili niyang ina. Tutuparin naman nina Elvie, Marvi, at Paula ang pangako nilang alagaan si Camille sa kabila ng sarili nilang mga problema sa pamilya at pag-ibig.

Iba naman ang nakaugalian ng masungit at mayamang negosyanteng si Andrei dahil sanay siyang nag-iisa at isinasantabi ng kanyang istriktong ama (Edu Manzano) at asawa nitong si Laviña (Teresa Loyzaga). Dahil lumaki sa isang broken family, hirap si Andrei na magtiwala at maghanap ng taong makakarelasyon nang matagal.

Pagtatagpuin sina Andrei at Camille ng isang aksidente. Hindi agad magkakasundo ang dalawa ngunit unti-unting mahuhulog ang loob nila dahil ipaparamdam nila sa isa’t isa ang totoong pagmamahal at kung ano ang mahalaga pagdating sa pamilya.

Ngunit magiging isang malaking pagsubok sa kanilang relasyon ang mga mahal nila sa buhay dahil madidiskubre nila ang isang sikretong mag-uugnay sa kani-kanilang mga pamilya.

Manggugulo rin sa pag-iibigang Camille at Andrei si Cedric (Jake Ejercito), ang best friend ni Andrei na may pagtingin kay Camille, at ang dating kasintahan ni Andrei na si Patricia (Iana Bernardez).

Malagpasan kaya nina Andrei at Camille ang problema ng kanilang mga pamilya? Matanggap ba ng kanilang mga pamilya ang pagmamahalan nila?

Mula sa direksyon nina Dwein Ruedas-Baltazar at Jojo Saguin, ang “Marry Me, Marry You” rin ang unang Kapamilya teleserye ni Jake. Makakasama rin sa serye sina Lito Pimentel, Joko Diaz, Jett Pangan, EJ Jallorina, Luis Vera Perez, Fino Herrera, Meanne Espinosa, Mariella Laurel, at Adrian Lindayag, pati na rin sina Keann Johnson, Analain Salvador, at Angelica Lao ng The Squad Plus.

Unang mapapanood ang Marry Me, Marry You sa Setyembre 11 sa iWantTFC app (iOs at Android) at sa iwanttfc.com, at sa Setyembre 13 naman ng 9:20 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at TV5. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “Marry Me, Marry You.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.