Kapag ang ama ng iyong anak ay pamilyado na, bibitaw ka ba o papayag ka maging pangalawang asawa?
Tunghayan ang naiibang kwento ng isang ina na gagampanan ni Carmina Villaroel ngayong Sabado (April 29) sa “MMK.”
Lumaki si Clara (Carmina) na walang amang kinagisnan. Sa paghahanap niya ng kalinga ng isang ama, makakapalagayang-loob niya si Jun (Nonie Buencamino), isang lalaking pamilyado na. Bago pa man lumalim ang mga damdamin pinili na niyang lumayo at mangibang-bansa para na rin makaiwan sa tukso at pagkakamali.
Sa kanyang pagbabalik, muli silang magkikita ni Jun at ang maling ugnayan ay kanila ng pagbibigyan. Sila’y lihim na magsasama at bibiyayaan ng tatlong supling.
Hanggang kailan maatim ni Clara na maging isang kabit? Ano ang dagok na darating na siyang babago sa lahat?
Makakasama din sa upcoming episode sina Barbie Imperial, Lui Villaruz, Patricia Javier, Ruby Ruiz , Joshua Dionisio, Kokoy de Santos, Yogo Singh, CX Navarro, Jahren Estorque, Iñigo Delen, Simon Ibarra, Jai Agpangan, Melizza Jimenez, at Johan Santos. Ang episode ay sa ilalim ng direksyon ni Dado Lumibao at panulat ni Mae Rose Balanay at Arah Badayos. Ang “MMK” ay pinamumunuan ng Star Creatives COO na si Malou N. Santos.
Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang “MMK” tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Panoorin nang libre ang latest episodes nito sa iwantv.com.ph o skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.