• EVERY SATURDAY AFTER THE VOICE TEENS
  • EVERY SATURDAY AFTER THE VOICE TEENS
Patrick Sugui, gaganap bilang isang sikat na fashion designer sa “MMK”

Bibida si Patrick Sugui sa kauna-unahang pagkakataon sa “MMK” ngayong Sabado (Dec 16) para bigyang buhay ang kwento sa likod ng tagumpay ng sikat na fashion designer na si Rey Michael Leyva.

Bago pa damitan ang mga kilalang artista na sina Anne Curtis, Kim Chiu, Kris Aquino, at Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, lumaki si Rey (Patrick) na bakla katulad ng kuya niyang si Brian (Angelo Ilagan). Ngunit nang makita ang pagtutol ng ama sa paglantad ng kapatid, pinili na lamang ni Rey na ikubli ang kanyang tunay na katauhan.

Sa kanyang paglaki, labis siyang humanga sa pinakitang tapang at pagpupursige ni Brian sa sarili nitong fashion line para patunayang hindi salot ang mga kagaya niya – isang bagay na kailanman ay hindi niya kayang gawin.

Ngunit hindi niya inasahang sa paglipas ng panahon ay unti-unting natanggap ng kanyang ama ang sexual orientation ni Brian. Gayunpaman, pinagpatuloy ni Rey ang pagpapanggap at naging flight attendant.

Hanggang sa isang araw, nahold-up at nabaril si Brian na naging mitsa ng buhay nito at siyang babago sa buhay ni Rey.

Makakasama rin sa upcoming episode sina Yñigo Delen, Zaijian Jaranilla, Dominic Ochoa, Aleck Bovic, Mico Aytona, Marc Acueza, Axel Torres, Alex Diaz, Sarah Carlos, at Mikee Agustin.

Ang episode ay sa ilalim ng direksyon ni Raz dela Torre at panulat ni Akeem del Rosario at Arah Jell Badayos. Ang “MMK” ay pinamumunuan ng Business Unit Head na si Roda C. dela Cerna at Star Creatives COO na si Malou N. Santos.

Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang “MMK” tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN. Para sa karagdagang updates, i-follow ang @mmkofficial sa Facebook, Twitter, at Instagram.