• MONDAY-FRIDAY AFTER IT'S SHOWTIME!
  • MONDAY-FRIDAY AFTER IT'S SHOWTIME!
Finale ng Love Thy Woman trending online, iniyakan ng buong cast

Bumuhos ng emosyon at papuri ang finale ng ABS-CBN teleseryeng Love Thy Woman nitong Biyernes (Setyembre 11) matapos tutukan ng mga manonood sa buong bansa at iyakan ng mga bidang sina Kim Chiu, Yam Concepcion, Eula Valdes, Sunshine Cruz, and Ruffa Gutierrez ang huling episode nito.  

Libo-libong viewers ang tumutok sa episode sa Kapamilya Online Live sa parehong Facebook at YouTube at naging mainit din ang usapan ng netizens sa social media kaya nag-trending ang hashtag nitong #LTWTheLastWoman sa Twitter.  

Matapos ang bangayan at hidwaan ng dalawang pamilyang Wong sa serye, nagkapatawaran sa huli sina Lucy (Eula) at Kai (Sunshine), pati Jia (Kim Chiu) at Dana (Yam Concepcion). Humingi naman ng tawad si Lucy para sa kanyang mga nagawa at sumuko sa mga pulis upang pagbayaran ang mga ito at nagbilin kay Dana na alagaan sina Kai at Jia bilang ang natitirang pamilya.  

Live namang pinanood ng limang bidang babae ang naturang episode at pinag-usapan ito sa online show na "Love Thy Chikahan," kung saan ibinahagi nina Kim at Yam ang kahalagahan ng pagpapatawad.  

“Kahit sino man ang nakasakit sa ’yo, basta marunong kang magpatawad, makakahanap ka ng saya sa loob mo… It takes time para magpatawad. And dito sa show, magkadugo sila. Baliktarin mo man ang mundo, magkapatid kayo. Hindi mo pwedeng talikuran ang kadugo mo,” sabi ni Kim.  

Ito rin daw ang paboritong eksena ni Yam na nagsabing, “Nawala ang yabang ng characters. Tinanggap nila ang pagkakamali nila at na-realize nila ang mga pagkukulang nila. There’s forgiveness. Nakakatuwa lang na nagkabati ang apat na magkaaway.” 

Bumuhos din ang luha sa chikahan at naging emosyonal ang mga bida dahil na rin naging malapit na sila sa isa’t isa, lalo na’t kinunan ang teleserye habang may quarantine at pagkatapos i-deny ang prangkisa ng ABS-CBN.  

“Salamat dahil we finished strong. Sa staff, crew, salamat sa lahat ng nag-mount nito sa gitna ng pandemic, sa gitna ng pinagdadaaanan ng ABS-CBN. Iisa tayo. Nandito tayo para magbigay ng saya. Salamat sa lahat ng sumusuporta sa Love Thy Woman dahil tinanggal n'yo lahat ng takot at pagod namin,” madamdaming pahayag ni Kim.