6 Na Makabuluhang Aral Mula Kina Esang at Princess

Musmos man at wala pang malawak na karanasan, simple at dalisay naman ang saloobin ng kabataan, kaya madalas ay naririnig natin ang paalala na silipin ang buhay sa mga mata ng isang bata. Marami tayong matututunan sa kanila na mga aral dahil para sa mga musmos na ito, ang bawat araw ay puno ng pangako ng pagkakaibigan, kasiyahan, at pagmamahal. Makikita ito sa malugod at tapat na pagharap nina Esang (Yesha Camile) at Princess (Xia Vigor) sa napakaraming hamon na dumating sa kanilang mga pamilya sa Langit Lupa. Naging inspirasyon sila sa lahat dahil sa kabila ng mga pagsubok ay nananatili silang puno ng ngiti at pag-asa.

At sa pagtatapos ng teleserye tungkol sa tunay na pagkakaibigan, isa-isahin natin ang makabuluhang mga aral na ating natutunan mula kina Esang at Princess sa Langit Lupa.

Lesson #1: Matutong magpatawad at huwag magtanim ng galit.

Masaya sa pakiramdam at nakagagaan ng loob ang pagpapatawad. Ito ang natutunan ni Princess nang sabihin niya sa kaniyang amang si Ian (Patrick Garcia) na pinapatawad na niya ito. Sinang-ayunan naman ni Esang si Princess at sinabi na nararapat ngang huwag magtanim ng galit at sama ng loob lalo na sa ating mga magulang.

Lesson #2: Huwag magdalawang-isip na iwasto ang maling ginagawa ng isang kaibigan.

Dahil sa pagkahabag ay laging inuunawa ni Princess si Trixie (Angelica Ulip) kahit pa nakasasakit na ang mga biro nito. Wala na raw kasing ibang magiging kaibigan si Trixie kung pati sina Princess ay magagalit rin. Ngunit paalala ni Esang, ang isang tunay na kaibigan ay ituturo ang tama at ang totoo.

Lesson #3: Pakitunguhan nang mabuti ang bawat tao kahit parang hindi ka nila gusto.

Pinayuhan ni Esang si Princess na makipagbati na kay Trixie upang lalong mapasaya ang kaniyang Daddy Ian. Dagdag pa ni Esang, huwag nang isipin ni Princess na ayaw sa kaniya ni Trixie dahil balang-araw ay siguradong magkakalapit din sila.

Lesson #4: Maging matiyaga sa pakikipagkaibigan.

Ikinuwento ni Princess kay Esang na ayaw niyang pumasok sa school dahil hindi naman siya gusto ng kaniyang mga kaklase. Agad nilinaw ni Esang na kung susubukan lang ni Princess na kausapin ang mga kamag-aral ay siguradong magiging kaibigan niya ang mga ito. Payo pa ni Esang ay lakasan ni Princess ang kaniyang loob na maunang makipag-usap sa mga kaklase at maging matiyaga lang sa pakikipagkaibigan.

Lesson #5: Salubungin ang bawat umaga ng may saya at ngiti.

Bawat umaga ay panibagong simula, kaya naman sinasalubong ito nina Princess at Esang ng puno ng sigla at saya. Paalala pa ng dalawa sa kanilang mga pamilya, maging masaya at laging positibo lalo na sa umaga upang maging masaya ang buong araw at mas marami pang magandang bagay ang dumating.

Lesson #6: Laging humanap ng mga paraan upang pasayahin ang ating mga magulang.

Napapagod din ang ating mga magulang dahil sa mga problemang hinaharap nila. Bilang kanilang anak ay marami tayong magagawa upang pasayahin sila. Ayon kina Princess at Esang ang simpleng paglalambing sa ating mga magulang pagdating nila ng bahay, tulad ng pagyakap at pagmamasahe, ay siguradong magpapagaan ng kanilang pakiramdam.