Albert, proud at masaya na makatrabaho muli ang KathNiel sa “La Luna Sangre”

Sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang isa sa mga dahilan kung bakit tinanggap ng beteranong aktor na si Albert Martinez ang papel bilang Prof T sa hit primetime series ng ABS-CBN na La Luna Sangre.”

“Gustong gusto kong makatrabaho ulit sina Daniel at Kathryn. Masaya ako na magkakasama kami ulit, kasi parang anak ko na ang mga ‘yan. Dati baby pa nga sina Kath and DJ. Ngayon adults na sila at nakakatuwa na parehas silang lumaking maayos,” pagbabahagi ni Albert.

“Sa ‘Princess and I’ kasi parang feeling ko six years old lang sila. Ngayon, ka-level ko na sila. Naabot nila iyong ‘level of wisdom’ na tama para sa kanilang edad. Masaya rin ako na makita na responsable, may respeto, at may kamalayan sila sa paligid, lalo na iyong passion nila sa trabaho nasa professional level,” dagdag ng aktor.

Kasalukuyang ginagampanan ni Albert ang papel ni Prof T, isang scientist na itinuon ang buhay sa mundo ng mga bampira. Bigla siyang sumulpot sa headquarters ng Moonchasers at mula noon ay nagsilbi munang pinuno ng grupo.

Ayon kay Albert, hindi ito ang unang papel na dapat niyang gampanan sa teleserye.

“Noong una, dapat ako ang gaganap na tatay ni Daniel na ginampanan ni Romnick Sarmienta. Pero noong panahong iyon, naipit din ako sa isa pang teleserye na pilot week rin, kaya mas binigyang pansin ko iyon. Hanggang sa lumapit sila muli sa akin, mas nag-focus sila ngayon sa laban sa mga bampira. Doon nagawa ang karakter ko na Prof T,” paliwanag ni Albert.

Masaya ang batikang aktor sa kanyang karakter dahil misteryoso ito at hindi pa alam ng mga manonood kung siya ba ay isang kakampi o isang kaaway.

“Isa siyang karakter na hindi ko pa nagagawa kahit kailan. Nagustuhan ko dito na hindi one layer ang karakter ko kung hindi multi-dimensional--- hindi nakapako at nakakahon. Lahat gagawin ni Prof T. para magtagumpay sa inaasam at ginagamit lang niyang instrumento ang Moonchasers para makamit ito. Isa pa ay hindi natin alam kung para kanino niya ito ginagawa at kung kanino siya papanig, kaya mas lalong kaabang-abang,” saad niya.

Mas umiinit pa nga ang adventures ng Moonchasers sa pagdating ni Albert bilang Prof T. Ano nga ba ang maidudulot niya sa grupo? Paano kaya siya makakaapekto sa misyon nina Tristan at Malia?

Huwag palampasin ang “La Luna Sangre” pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa nakaraang episodes ng programa, mag-log on lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers. Para sa karagdagang updates, i-follow ang @starcreatives sa Facebook, Twitter, at Instagram.