Kathryn, Daniel pumirma ng kontrata, mananatiling Kapamilya

Mananatiling Kapamilya ang onscreen love team at real life sweethearts na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla matapos silang mag-renew at pumirma ng tatlong taong kontrata sa ABS-CBN kahapon, Enero 15.

Matapos magkahiwalay sa mga proyekto nang mahigit isang taon, ibinahagi ng phenomenal box office couple ang kanilang sentimyento ukol sa kung anong dapat abangan ng kanilang mga fans ngayong magbabalik telebisyon na sila at bibida sa kanilang paparating na teleseryeng “Tanging Mahal.”

“Makakaasa sila ng bago, siyempre ang tagal din naming hinihintay na mangyari ito ulit. Tingin ko excited ang mga fans na makita ulit kaming magkasama dahil kami rin personally, excited na kaming magtrabaho ulit nang magkasama,” ani Daniel.

Bukod sa kaniyang proyekto kasama si Kathryn, nabanggit din ni Daniel ang kaniyang excitement sa kaniyang pelikulang pinamagatang “Whether the Weather is Fine” kasama ang ABS-CBN executive at beteranang aktres na si Charo Santos-Concio.

“Sana abangan nating lahat ‘yung pelikulang ginagawa namin kasi para sa akin bago ito at kakaiba. Iba ‘yung bato ng pelikula, iba ‘yung feel, kaya exciting.”

Ibinahagi naman ni Kathryn ang kaniyang kasiyahan dahil sa nakukuha niyang suporta mula sa kaniyang YouTube channel, “Everyday Kath.” Sa loob lamang ng dalawang linggo matapos mailabas ang kaniyang unang vlog, umabot na sa halos isang milyon ang kaniyang naaning subscribers.

“Masaya. Higit pa sa subscribers, mas gusto ko yung natatanggap naming mga kumento kasi hindi ko alam na gano’n pala ‘yung epekto sa kanila na masilip ‘yung personal na buhay namin,” ani Kathryn.

Dapat ding abangan ng mga KathNiel fans ang pagbabalik-tambalan ng dalawa sa pelikula ngayong taon.

Nang tanungin ang kanilang saloobin tungkol sa pananatili nila bilang Kapamilya, sagot ni Daniel “Siyempre sobrang saya at sobrang nagpapasalamat kami na ang tiwala ng ABS-CBN sa amin ay nandiyan pa rin, at ganoon din naman ang tiwala namin sa ABS-CBN. Sobrang saya, sobrang blessed, at sobrang excited kami sa mga paparating pa sa amin ni Kathryn.”

Dumalo sa pirmahan ng kontrata sina ABS-CBN Chairman Mark Lopez, ABS-CBN President at Chief Executive Officer Carlo Katigbak, Chief Operating Officer ng Broadcast Cory Vidanes, TV Production Head Laurenti Dyogi, Star Magic Head Johnny Manahan, at Head ng Treasury na si Rick Tan.