Patuloy ang walang sawang suporta ng mga manonood sa mga nakakagigil na eksena nina Beauty Gonzales, Francine Diaz, Andrea Brillantes, at Dimples Romana ng Kadenang Ginto kaya naman nananatili ito sa trono bilang pinakapinapanood na serye sa hapon at mainit na pinag-uusapan sa social media.
Hindi natinag sa national TV ratings ang programa at kamakailan ay humataw ito sa all-time high rating na 27.3%, at araw-araw na nananatili sa 20%-mark, ayon sa datos ng Kantar Media.
Bukod sa telebisyon, malaking tagumpay din ang natatamasa ng serye sa online world dahil umabot na sa higit 800 million ang total views ng daily highlights nito sa YouTube, kung saan halos bawat video ay pumapalo sa higit isang milyong views.
Marami rin ang pilit na humahabol sa past episodes ng serye dahil ito ang most watched program ng iWant para sa buong buwan ng Abril, kung saan pumapalo naman sa 1.5 million ang daily views nito araw-araw.
Isang pagkilala naman ang natanggap ng Kadenang Ginto matapos itong gawaran bilang Best Daytime Drama Series sa 2019 Golden Laurel Awards ng Lyceum of the Philippines-Batangas dahil sa pamamayagpag ng serye at mahusay na pagganap ng mga karakter nito.
Samantala, mas marami pang pasabog ang serye na gugulat at lalong magpapakapit sa mga manonood tuwing hapon sa mas makapigil-hiningang eksena ng mga mag-ina. Nagbibigay naman ng bagong timpla sa palabas ang pagpasok ng dating PBB Otso housemate na si Seth Fedelin.
Mula naman sa tagumpay ng Kadenang Ginto, inilulunsad din ng Dreamscape Entertainment ang “The Gold Squad” nina Francine, Kyle, Seth, and Andrea – apat na teenagers na masayahin, responsable, masipag at mapagmahal sa pamilya na iba’t iba ang pinagmulan, kinalakihan, at pinagdaanan sa buhay. Maglulunsad ang “The Gold Squad” ng sari-saring proyekto na magdadala ng saya at makaka-relate sa kanilang batang fans, kabilang na ang sarili nilang album sa ilalim ng Star Music.
Panoorin ang Kadenang Ginto tuwing hapon sa Kapamilya Gold sa ABS-CBN at ABS-CBN HD.