May bago na namang hatid na digital venture ang ABS-CBN dahil ipinapakilala ng record label nito na Star Music ang “TuTuBee,” isang YouTube channel na magbibigay kaalaman sa mga bata. Layunin ng Star Music na maghatid ng educational at nakakagiliw na videos sa mga bata at tumulong na madagdagan ang kanilang kaalaman habang nananatili silang nasa bahay ngayon dahil sa panganib ng pandemya.
Ang TuTuBee ay isa sa mga online venture ng ABS-CBN para higit pang mapalakas ang digital presence nito at maabot ang mas maraming manonood. Kasunod ito ng matagumpay na pagpapakila ng ABS-CBN sa Kapamilya Online Live, na nagpapalabas ng mga programa ng ABS-CBN sa YouTube at Facebook.
Kasama ang TuTuBee mascots na sina Aspin at Mimi, sisikapin ng channel na pangalagaan ang mental, physical, at emotional growth ng Pinoy kids gamit ang musika bilang pangunahing tool. Maaari silang kumanta, sumayaw, at matuto ng nursery rhymes at iba pang tunog sa Ingles o Pilipino na tutulong para maalala at maunawaan ng mga bata ang mga aralin at values na mahalaga para sa kanilang pag-unlad.
Tampok din dito ang life skills at teaching tools para sa mga magulang upang mas madali silang makapaghatid ng play-based learning na mga gawain para sa kanilang mga anak.
Buksan ang mundo ng mga bata sa pag-aaral gamit ang musika sa TuTubee na maari ring mapanood sa Just Love Kids Preschool section.