5 Salitang Magpapayaman ng Iyong Talasalitaan | Knowledge Channel

5 Salitang Magpapayaman ng ‘yong Talasalitaan

Ang Agosto ay Buwan ng Wika! Ang taunang pagdiriwang nito ay imbitasyon sa lalong pagpapahalaga at pagkilala sa ating wika bilang mahalagang bahagi ng ating kaunlaran.

Kaya naman, ating tuklasin ang taglay nitong kagandahan. Patuloy nating palaguin ang ating kaalaman sa ating wikang pambansa. Narito ang limang (5) salitang Filipino na maaari idagdag sa pang-araw-araw upang lalong payamanin ang ating talasalitaan.

 

1. batid

 

Ang salitang “batid” ay nagpapahiwatig ng pag-unawa o pagtanto sa mga bagay-bagay, lalo na kung abstrak o ‘di kongkreto ang konsepto. Ang pagbatid sa nararamdaman at kinakailangan ng iba ay nakaugat sa kultura natin ng pakikipagkapwa-tao. Repleksyon ito ng taglay nating pagpapahalaga at pagmamalasakit sa kapwa.

Sa pagkakataong makatagpo tayo ng isang nagdadalamhating kababayan, maari nating sabihin, “Batid ko ang iyong kalungkutan. Narito lang ako kung kailangan mo ng kaibigan.”

 

2. kalupi

 

Sa panahon ngayon, mas kilala bilang wallet ang lagayan ng ating pera. Maaari’y naririnig pa ang salitang “pitaka” pero bihira na ang salitang “kalupi”. Madalang man sa modernong bokabularyo, kailanma’y hindi iyon rason para kalimutan ito, lalo na’t may ibang pagpapakahulugan ito sa mga Ilokano – ang kalupi bilang isang basket na sisidlan ng bigas. Binibigyang-diin ng halimbawang ito ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kaalamang pangwika upang maiwasan ang miskomunikasyon.

Magagamit ang salitang kalupi ‘di lamang sa kaswal na pag-uusap, pati na rin sa matalinghagang pagkukwento tulad ng “Bukal ng pag-asa ang kalupi ni Senyor Juan.”

 

3. katha

 

Singkahulugan ng salitang “katha” ang salitang “likha”, ngunit ito ang madalas na ginagamit bilang pantukoy sa mga akdang pampanitikan at komposisyong pangmusika. Pinag-uugatan din ito ng mga salitang “kathambuhay” na isang uri ng literatura at “kathang-isip” na tumutukoy sa gawa ng imahinasyon.

Lahat tayo ay may potensyal na kumatha ng makabuluhang likhaing sining o ng ideyang lulutas sa mga suliraning panlipunan, kaya sana’y taos-puso nating masabi at panindigan, “Kakatha ako ng magandang kinabukasan!”

 

4. sapantaha

 

Ang mga hinala o palagay natin sa mga bagay na walang kasiguraduhan ay matatawag din nating “sapantaha”. Ito ay tumutukoy sa mga pangyayaring hindi pa dumarating o sa anumang hindi pa maabot ng ating pag-unawa. Sa kabilang banda ng ating mga sapantaha ay maaaring ang pagsasakatuparan ng ating mga akala o ‘di kaya’y ang pagbabago ng ating pag-iisip.

Isang halimbawa sa paggamit ng salitang ito ay ang paglarawan sa karanasan natin noong pandemya: “Sapantaha ng karamihan na mawawakasan ng mga bakuna ang pandemyang dala ng COVID-19.”

 

5. tugon

 

Nangangahulugan ang salitang “tugon” sa sagot o reaksyon. Marami itong bersyon ng paglalapi bilang salitang-ugat ng mga pandiwa – ipatugon, matugon, patugunin, tumugon, tutugon – pahiwatig na ang salitang ito ay likas na pumupukaw ng pagkilos. Tulad ng naunang salita sa listahan, ang pagtugon sa pangangailangan ng kapwa at sa mga isyung panlipunan ay pagpapahayag ng pakikipagkapwa-tao.

Hindi dapat nananatili bilang isang salita ang “tugon”, kundi dapat ay isinasabuhay at isinasakilos tulad ng ginagawa namin rito: “Ang Knowledge Channel ay tumutugon sa pangangailangan ng kabataan sa pagbo-brodkast ng mga programang pang-edukasyon.”

 

Naantig ka ba sa mga posibilidad na hawak ng wikang Filipino? Ipagmalaki ang ating wikang pambansa sa iyong kapamilya’t kaibigan!

Siguraduhing i-follow ang Knowledge Channel sa YouTube, TikTok, Facebook, Instagram, at Twitter para sa mas marami pang kaalaman.