Kaarawan ng daily contender na si Clyde Borongan nitong June 3 (Lunes) at agad siyang binati nina Vice Ganda at Mariel Padilla matapos ang kanyang performance sa Tawag Ng Tanghalan sa It’s Showtime.
May hiling na isang regalo para sa kanyang anak si Clyde. Naisip ni Vice Ganda na ipanagawagan kay Willie Revillame ang ninanais ng contestant.
Nanawagan naman sa harap ng camera si Clyde, “Kuya Will, ‘yun lang po hinihiling ko, drone lang po para sa anak ko!” Para maipaabot ang hiling ni Clyde, sinubukan ni TNT Hurado Ogie Alcasid na tawagan sa cellphone si Willie. Naging mabilis naman ang pagsagot sa telepono ng game show host.
Para marinig ng madlang people ang kanilang usapan, nilagay ni Ogie ang kanyang telepono sa speakerphone. Natuwa ang manonood at ang It’s Showtime hosts na sina Vice at Mariel nang marinig ang boses ni Willie. Masayang binati ni Willie ang lahat ng nasa studio. Biro pa ni Willie, “Paalala lang, Vice, Ogie, dati kong timeslot ‘yan, kinuha n’yo!”
Kinausap ni Clyde si Willie at ipinarating ang kahilingan para sa anak. Sagot ni Willie, “Ogie, pakisabi kay Vice, abonohan muna niya!” Pahayag ni Vice, “Sige, Kuya Wil, aabonohan ko muna. Bayaran mo na lang, tutal binibigyan mo naman ako ng pera ‘pag nagkikita tayo!”
Tila nanonood naman nang live si Willie dahil naitanong niya kay Vice, “Si Onyok [Velasco] ba ‘yan?” Sagot ni Clyde, “Kapreha lang po ng mukha. Si Onyok po ay boksingero, ako po ay kumakanta po.”
Naitanong ni Willie kung pwede siyang mag-guest sa Kapamilya noontime show, na agad sinagot ni Vice ng “Ay, oo, Kuya Wil. Ngayon din. Halika na.” Pero binawi ito ni Willie na nagsabing “Huwag. Mahirap mag-guest baka matanggal na naman ako. Lagi na lang ako natatanggal sa istasyon.” Banat naman ng Unkabogable Star, “Huwag kang mag-alala. Bago ka matanggal, kami muna!”
Matapos ang lahat ng biruan, at bago ibaba ang tawag, sinabi ni Willie na tutuparin niya ang hiling ni Clyde, “Okay na ‘yan. Ibibili ko siya ng drone!” Nagpasalamat sina Vice at Mariel pati na si Clyde kay Willie nang marinig ang pangako nito.
If you are in the Philippines, watch the FULL episode on www.iwant.ph
If you are outside the Philippines, watch the FULL episode on www.tfc.tv