Hindi mapigilang bumuhos ang luha ni Vhong Navarro sa mainit na pagtanggap na kanyang natanggap mula sa kanyang “It’s Showtime” family pati na sa madlang people sa kanyang pagbabalik ngayong araw.
“Ang sarap ng pagtanggap n'yo sa akin. Hindi ko alam paano kayo pasasalamatan sa mga taong nagdasal, nagtiwala, at hindi ako iniwan,” sabi ni Vhong. “Pagpasok ko dito sa ABS, sinabi ko ayaw ko umiyak. Ayoko ko umiyak kasi ito yung pangalawang bahay ko. Dito kung ano man ang pinagdaanan ko sa buhay ko, tanggap ka rito. Nandito ung mga kapatid at kapamilya ko pati na ang madlang people, extension kayo ng pamilya ko.”
Sinabi niya na hindi siya nanood ng noontime show dahil mas malulungkot siya ngunit malaki ang pasalamat niya sa Diyos na nakasama muli niya ang kanyang pangalawang pamilya.
"Paglabas ko hindi ko pala kaya magbalik agad kasi may mga proseso pang kailangan gawin. Pero mabait 'yung Panginoon hindi niya ako pinabayaan kaya andito na ako. Maraming salamat sa ABS-CBN kasi may trabaho ako ulit. Nandito rin yung pamilya ko," pagkwekwento niya.
Binuko naman siya ni Vice Ganda na natakot daw ang Kapamilya comedian sa kanyang pagbabalik.
"Hindi naman natin sa kanya maalis na matakot siya noong lumabas siya. Kung paano siya tatanggapin ng tao at nararamdaman sa kanya. Paulit-ulit ko na lang na pinaalala sa kanya na kung makakagaan sa dibdib niya na mas nararamdaman namin kung gaano ka nila kamahal. I don't usually read comments pero kung tungkol sa iyo binabasa ko. More than 95% ng comments tungkol sa pagmamahal at suporta sa iyo. Kaya hindi magiging mahirap ang pagbabalik mo kasi inaantay lang nila ang pagbabalik mo para mayakap, mahalin, at suportahan ka," saad ni Vice.
Bumuhos naman ng luha at tawanan ang naging mensahe ng kapwa niyang hosts na sina Anne Curtis, Ogie Alcasid, Kim Chiu, Karylle, Ryan Bang, Teddy Corpuz, Jugs Jugueta, Ion Perez,Cianne Dominguez, at MC Muah para sa kanya.
Ani ni Anne Curtis, "Alam mo palaging sinasabi ko sa chatroom na I know you need the time as well to be with the people who really missed you. But I just wanted to see that we are really happy to have you back and welcome home."
"Alam mo noong wala ka, nagdadasal kami na may milagro na bumalik ka. Ikaw pala 'yung milagro, " sabi ni Ogie Alcasid.
"Hindi ko alam ang sasabihin ko kasi nawalan talaga ako ng pag-asa. Sorry na naubos 'yung pag-asa ko pero minsan may darating na madlang people na sasabihin na 'one day mangyayari ito' and ito nga nandito ka na. I'm just so grateful," madamdaming saad ni Karylle.
Ayon naman kina Teddy, Ryan, at Ion, ipinagdasal nila itong araw na ito na makakasama nila ang kanilang kuys.
Panoorin ang “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado sa A2Z, Kapamilya Channel, TV5, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app oiwanttfc.com. Mapapanood dinito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.