Napagkwentuhan nina Vice Ganda, Vhong Navarro at Tawag Ng Tanghalan resbaker na si Jeffrey dela Torre na may mga pagkakataon talaga na ang anak ay nahihiyang magsabi ng kanilang pangangailangan sa kanilang magulang. Ito raw ay sa kadahilanang maaaring hindi ito maibigay ng kanilang magulang. Ginawa pang halimbawa ni Vice ang kanyang sarili. Noong nag-aaral pa lang daw siya ay takot na takot siyang marinig sa kanyang mga guro ang “may babayaran.” Hindi alam ni Vice kung paano sasabihin sa ina ang kailangang bayaran sa eskwelahan.
Kasama ni Jeffrey sa studio ang kanyang anak na si Akia. Naikwento ng contender na niregaluhan niya ng manika ang kanyang anak sa panalo niya noon sa Tawag ng Tanghalan. Hindi naman napigilan ni Jeff na maging emosyonal nang sabihin sa kanya ni Akia na “Huwag susuko sa kanyang mga pangarap.”
Nilapitan ni Vice si Akia at tinanong kung ano ang gusto niyang iregalo sa kanyang ama kung mabibigyan siya ng pagkakataon. Sumagot ang bata ng “Kung anong gusto niya po.” Sa muling pagtatanong ni Vice, sinabi ng bata na mahilig sa sapatos ang kanyang ama. Sambit ng Unkabogable Star kay Akia, “Bibigyan kitang money mamaya, tapos bili mo [daddy mo] ng shoes!”
Muling nagbiro si Vice at sinabihan ang bata na “Huwag mong sabihin sa daddy mo na binigyan kita ng pera. Sabihin mo nagtrabaho ka, nag-call center ka!” Nagpasalamat si Akia at niyakap nang mahigpit ang Unkabogable Star. Payo ni Vice kay Akia, “Mag-aaral kang mabuti at balang-araw ‘pag ikaw naman ang may kakayahan na tumulong, huwag mo pagkakait ‘yan sa iba.”