Sa KapareWho nitong June 17 (Lunes), nagulat ang mga manonood nang magpakilala ang unang KalaWhok bilang si “Tatay’s Boy ng Batangas.”
Nagtaka ang madlang people pati ang hosts dahil sa base sa boses nito na may puntong Batangueno ay bata pa ang KalaWhok. Biglang sinabi ni Vice Ganda na “Mukhang gwapo ito eh, pakitanggal na ‘yang maskara!” Nagtilian ang madlang girls nang malamang ang lalaking nasa likod ng maskara ay walang iba kundi ang Kapamilya heartthrob na si Joshua Garcia.
Inanyayahan ni Josua ang lahat na panoorin sa darating na June 22 (Sabado) ang ikatlong handog ng Maalaala Mo Kaya para sa month-long 28th anniversary nito.
Bibida si Joshua sa MMK “Medal of Valor” episode bilang isang batang sundalo na pumanaw habang nasa linya ng tungkulin. Matutunghayan dito ang sakit na dinanas ng kanyang magulang sa paglilibing ng sariling anak. Makakasama ni Joshua sina Janice de Belen, Cris Villanueva, Ryle Santiago, Alex Castro, Aljon Mendoza at marami pang iba. Ang naturang episode ay sa direksyon ni Richard Ibasco Arellano.
Hindi naman pinalampas ni Ryan Bang ang pagkakataon na ipagawa kay Joshua ang Binatang Pilipino Challenge. Hindi naman tumanggi si Joshua at game na game na tumugon sa hamon.