May pasalubong na rambutan si Ate Girl Jackque Gonzaga para kay Vice Ganda pero hindi naman papahuli si Kuya Escort Ion Perez na mayroon ding dala para sa Unkabogable Star.
Bago magsimula ang KapareWho nitong Biyernes, June 7, tinanong ni Vice kung may dala bang juice si Ion para sa kanya. Ayon kay Kuya Escort, pahinga raw muna sa juice dahil baka makasama ‘pag nasobrahan ng inom nito. Sinabi ni Ion kahit wala siyang dalang inumin ay babawi naman siya sa pasalubong. Dahil parang lasing kung magsalita, hindi napigilan ni Vice na tanungin si Ion, “Lasing ka ba?” Kinilig ang madlang peole sa naging tugon ni Kuya Escort, “Oo, lasing na lasing sa iyo!”
Hindi muna binanggit ni Ion ang kanyang pasalubong kay Vice, dahil gusto niya munang hulaan ni Vice ang laman ng isang kahon na dala niya. Pagmamalaki ni Ion, kung mahulaan ni Vice ang laman ng kahon, ay itutuloy niya na ang naudlot na kiss sa Unkabogable Star noong nakaraang araw.
Bagama’t hirap tukuyin ang laman ng kahon ay natatawa naman si Vice habang hinahawakan ito. Nagbigay ng clue si Ion at sinabing ang laman ng kahon ay “ipinangalan sa hayop.” Isa raw itong prutas na kulay “penk.” Unang hula ni Vice ay manggang kalabaw pero mali ito dahil hindi naman iyon kulay pink. Nagbigay ng panibagong clue si ni Ion at binanggit na “kamag-anak ‘yan ng kiwi” at “mataas ‘yan sa fiber.”
Dahil sa mga clues na binigay ni Kuya Escort ay nahulaan na ni Vice ang laman ng kahon na isang dragon fruit.