Bongga ang pagkapanalo ng dance group na G-Force sa patok na interactive game segment na “Madlang Pi-Poll” ng “It’s Showtime” noong Huwebes (Setyembre 2) dahil sila ang kauna-unahang studio players na nakakuha ng tamang sagot sa lahat ng rounds.
Nagwagi ng P105,000 jackpot prize na may karagdagang P45,000 na papremyo sina Jorge Marvin, Myka Gonzaga, at John Michael dahil nahulaan nila nang tama ang lahat ng sagot ng home viewers.
Sa final question na “Paano mo malalaman ‘pag nanlalamig na siya sa relasyon?” pinili ng tatlong dancers ang sagot na “Wala nang oras” mula sa anim na mapagpipilian. Tumugma naman ito sa sagot ng karamihan ng home viewers (33%).
Kahit naman nakuha ng G-Force ang cash prize, panalo pa rin ang home viewers dahil tatlo sa kanila ang nagwagi ng ABS-CBN merchandise bilang consolation prize.
Mas dumadami ang nakikilaro sa hit segment mula sa buong bansa pagkatapos itong magtala ng all-time high na 84,272 active players noong Agosto 27.
Sa “Madlang Pi-Poll,” naglalabanan ang studio players at home viewers sa loob ng pitong round na may katumbas na cash prize. Kapag nahulaan nang tama ng studio players ang sagot ng karamihan ng home viewers, sa pot money nila mapupunta ang premyo. Kung hindi naman, madadagdagan ang pot money ng home viewers.
Para makasali sa laro, mag-log in sa www.joinnow.ph/showtime o i-scan ang QR code na ipapakita ng hosts sa screen habang nakatutok sa “Madlang Pi-Poll.”
Maaaring maglaro ang lahat ng Filipino citizen na kasalukuyang naninirahan sa Pilipinas na 18 taong gulang at pataas, at may valid ID na sumali sa game. Para naman makapasok sa raffle draw at manalo ng papremyo, kailangang ibigay ang buong pangalan, address, edad, phone number, at e-mail address sa registration form na makikita pagkatapos sagutan ang huling tanong sa laro.
Iparinig ang boses at manalo ng papremyo sa pagsagot ng “Madlang Pi-Poll” tuwing tanghali mula Lunes hanggang Sabado sa “It’s Showtime” sa A2Z channel sa digital at free TV, Kapamilya Channel sa cable at satellite TV, sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.