Bilang pagbabalik-tanaw sa sampung taong pagpapasaya ng madlang people, hatid ng “It’s Showtime” ang “Sampu Sample,” ang pinakamalaking anniversay celebration nito kung saan malaking bahagi ang madlang people at aandar ng isang buong taong puno ng mga pasabog.
Nagsimula ngayong Oktubre ang sampung sorpresa na inihanda para sa “Sampu Sample” celebration nito, na iniimbatahan ang madlang people na sumama hindi lang sa pakikisaya kundi para rin sa pagtulong sa kapwa at pagmamalasakit sa kalikasan.
Bilang pagtanaw naman sa sampung taon ng numero unong noontime show sa bansa, muli nitong ibabalik ang mga segment na tumatak at minahal ng mga manonood.
Ang "Sine Mo 'To" ay nagbalik sa It's Showtime noong Sabado, Oktubre 5.
Tinawag na "KaTENang Ginto" ang kanilang palabas na inihango sa sikat na teleserye na Kadenang Ginto.
Si Marga Bartolome ay si Vice Ganda habang si Anne Curtis naman ang gumanap bilang si Cassie Mondragon. Umarte bilang Robert at Romina Mondragon sina Teddy Corpuz at Karylle habang sina Jugs Jugueta at Ryan Bang naman sina Carlo at Daniela Bartolome.
Katulad ng dati, si Vhong Navarro pa rin ang tumatayong tagapagsalaysay.