• MON - FRI 12 NN - 2:30 PM | SAT 12:00 - 3:00 PM
  • MON - FRI 12 NN - 2:30 PM | SAT 12:00 - 3:00 PM
Vice, hinimok ang netizens na ipagmalaki ang tunay na ganda
Matapos magtanggal ng make-up, contact lens, at hair extension sa “It’s Showtime” kahapon (Mayo 28) para ipakita na wala sa itsura ang totoong ganda, nag-post ng litrato si Vice Ganda sa Instagram nang walang make-up kasama ang hashtag na #ProudToBeMe.
Matapos nito, nag-trend ang nasabing hashtag nationwide sa Twitter dahil sa maraming netizens na nag-post din ng kanilang litrato na walang filter at na-inspire ni Vice para maging proud sa kanilang natural na ganda.

Nangyari ang ginawang “rebelasyon” ni Vice sa “It’s Showtime” sa kanyang “Advice Ganda” segment, kung saan pinayuhan niya ang isang estudyanteng biktima ng bullying na umano’y madalas na sinasabihan ng pangit ng kanyang mga kaeskwela.

 “Hindi mo pwedeng pilitin ang ibang tao na magandahan sila sa atin, pero tayo, ano man ang mangyari, dapat lagi tayong nagagandahan sa sarili natin. Kailangan laging mas makapangyarihan ang salitang sinasabi ng puso mo kaysa sa salita na sinasabi ng bibig ng ibang tao. Maganda ka kahit ano ka, kasi likha ka ng Diyos, kaya dapat hindi ka nagpapaapekto,” ani Vice.

Naghiyawan naman ang studio audience dahil sa payo ni Vice.

"Kahit magaspang ang mukha ko, mataas ang hairline ko, maganda ako. Wala na akong itinatago. Hindi na ako natatakot at kahit ano ang sabihin niyo sa akin, hindi na ako mabibigla. Sabihin niyo, pangit ng buhok ko, alam ko. Pangit ng kutis ko, alam ko. Pero 'yan ang lahat eh sa paningin niyo. Para sa akin, maganda ako. Maganda ako at maganda ka," ayon pa sa komedyante.

Makisaya sa buong barkada ng “It’s Showtime,” 12:15PM mula Lunes hanggang Biyernes at 12NN tuwing Sabado sa ABS-CBN. Para sa updates ng programa, sundan ang @ItsShowtimena sa Twitter, @ItsShowtimeOfficial_IG sa Instagram, o i-like ang www.facebook.com/itsShowtimena.