• MON - FRI 12 NN - 2:30 PM | SAT 12:00 - 3:00 PM
  • MON - FRI 12 NN - 2:30 PM | SAT 12:00 - 3:00 PM
Sorbetero at working student, back-to-back milyonaryo sa 'Isang Tanong, Isang Sagot'
Talagang umuulan na ng pamasko sa “It’s Showtime” matapos magwagi ng P1 milyon ang isang amang sorbetero at isang marketing management student sa dalawang magkasunod na araw (Nov 19 at 20) sa jackpot round ng pinakabagong segment nitong ‘Isang Tanong, Isang Milyon.’

Ang sorbetero sa Luneta na si Roberto Bulanhagui ang kauna-unahang milyonaryo ng naturang segment noong (Nov 19) matapos niyang mahulaan nang tama ang sagot na “Earth” sa katanungang “Ang kontinenteng Antarctica ay sa anong planeta makikita?” bago pa man ito ilantad.

Ayon kay Roberto, bata pa lamang siya ay nagbebenta na siya ng sorbetes, isang kabuhayang ipinamana na sa kanya ng kanyang ama at lolo. Sa kita niyang P300 kada araw, ipinagkakasya niya ang kanilang gastusin sa bahay at pinapag-aral ang kanyang limang anak, na ang isa ay nakapagtapos na ng kolehiyo. Dahil dito, pinuri siya ng hosts ng programa dahil sa kanyang kasipagan, dignidad sa pagtatrabaho, at pagiging inspirasyon sa lahat ng Pilipino.

Ipinahayag ni Roberto na gagamitin niya ang kanyang napanalunang kabuuang P1.04 milyon sa pag-aaral ng kanyang mga anak at sa paggamot sa kanyang inang diabetic.

Naging pangalawang milyonaryo naman ng segment ang 27 anyos na si Jobelle Gervacio na kasalakuyang kumukuha ng MBA sa Polytechnic University of the Philippines. Nagwagi si Jobelle matapos ding mabigay ang tamang sagot na “Dina Bonnevie” sa mystery question na “Sinong aktres ang nanay nina Oyo Boy at Danica"?

Naging mas matamis ang pagkapanalo ni Jobelle dahil naging milyonaryo pa siya matapos matupad ang pangarap na makita sa TV. Isa rin siyang working student at nagtatrabaho sa  isang online gaming company para matustusan ang kanyang pag-aaral.

Para sa lahat ng mga nangangarap at gustong maging milyonaryo gaya nina Roberto at Jobelle, sumali sa auditions ng ‘Isang Milyon, Isang Tanong’ mula Lunes hanggang Biyernes, 4PM hanggang 6PM sa ABS-CBN Audience Entrance. Magdala lang ng ID at hanapin si Bing Ramos o Danjosh Zacarias.

Makisaya sa buong barkada ng “It’s Showtime,” 12:15PM mula Lunes hanggang Biyernes at 12NN tuwing Sabado sa ABS-CBN. Para sa updates ng programa, sundan ang @ItsShowtimena sa Twitter, @ItsShowtimeOfficial_IG sa Instagram, o i-like ang www.facebook.com/itsShowtimena.