• EVERY SUNDAY AFTER FPJ DA KING
  • EVERY SUNDAY AFTER FPJ DA KING
Ritz, dedepensahan ang reputasyon at propesyon sa Ipaglaban Mo


Nakataya ang propesyon at reputasyon ng isang mahusay na abogado, na gagampanan ni Ritz Azul, nang maakusahan na nakikiapid sa isang lalaking may asawa ngayong Sabado (Oktubre 20) sa Ipaglaban Mo.


Isinakripisyo ni Annie (Ritz) ang lahat, maging ang oras para sa kanyang sarili sa kanyang pagsusumikap na maging isang mabuting abogado. Kinalimutan rin nito ang sarili niyang kasiyahan, maging ang paghahanap ng pag-ibig para matupad ang kanyang pangarap—hanggang sa makilala niya si Max (JC de Vera).


Nagkaroon ng relasyon ang dalawa na nagbunga ng anak. Hindi alintana ni Annie na mayroon nang mga anak si Max mula sa isang naunang relasyon at nagpakasal sila sa ibang bansa. Nalaman na lang ni Annie na kasal pa pala si Max nang bigla silang ihabla ng misis nito na si Trina (Maxine Medina) ng concubinage pagbalik ng Pilipinas. Maliban doon ay nais pa ni Trina na ipatanggal si Annie sa propesyon ng pag-aabogasya.


Paano ipinagtanggol ni Annie ang kanyang reputasyon at propesyon na ilang taon niyang pinaghirapan? Ano ang kahihinatnan ng pagpapatanggal ng pinagsumikapan niyang lisensya para maging isang abogado?


Handog ng “Ipaglaban Mo,” ang longest-running na legal drama sa bansa, ang mga makabuluhang episode base sa totoong buhay, na maaaring mapagkuhanan ng aral. Nagbibigay rin ito ng libreng legal advice linggo-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.


Huwag palampasin ang “Abogada,” sa direksyon ni FM Reyes, ngayong Sabado (Oktubre 20), pagkatapos ng It’s Showtime sa ABS-CBN.