Gagampanan ni Yves Flores ang mapangahas na papel ng isang binatilyong pinagsamantalahan ng lider ng fraternity na kanyang sinalihan ngayong Sabado (Jan 14) sa hit legal drama ng ABS-CBN na Ipaglaban Mo.
Kagaya ng mga ordinaryong kabataan ngayon, mahilig si Jay-r (Yves) sa paglalaro ng online games at matagal na lumalagi sa computer shop. Dito niya makikilala ang grupo ng mga kalalakihang hihimukin siyang sumali sa kanyang fraternity.
Sa umpisa’y inakala niyang kapatiran ang kaniyang matatagpuan kaya naman sinuway niya ang ina at tumuloy pa rin sa pagsali. Hindi niya akalain na ang ituturing dapat niyang ‘brod’ at lider ng grupo ang siya rin palang bababoy sa kanyang pagkatao.
Sa Kapamilya Chat, ibinahagi nina Yves, Kiko Matos at Paulo Angeles ang ilang detalye tungkol sa kanilang roles at kung ano ang natutunan nila sa #IMkapatiran episode ng Ipaglaban Mo.