• EVERY SUNDAY AFTER FPJ DA KING
  • EVERY SUNDAY AFTER FPJ DA KING
Enchong, aminadong na-challenge sa papel na ginampanan sa "Ipaglaban Mo"
Bagamat napatunayan na niya ang husay niya bilang isang versatile aktor, aminado ang chinito heartthrob na si Enchong Dee na very challenging sa kanya ang ginampanang papel sa episode ng hit legal drama na “Ipaglaban Mo” na mapapanood sa Sabado (Mar 7).



“Na-challenge ako kasi mabigat at hindi basta basta ang kwento.  Tinatanong ko rin sarili ko kung kaya ko pa ba bilang matagal din akong hindi umarte. Ito yung mga role na dapat mo talaga paghandaan e. Kahit mahirap ay worth it naman ang naging resulta, ” kwento ni Enchong.


Dagdag pa ng aktor na ngayon ay certified Gold-recording artist na rin, malaking tulong sa kanya ang kanyang director na si Don Cuaresma pati na ang buong staff ng “Ipaglaban Mo.”


“Tinutukan talaga ako ni direk Don at iniiba bawat atake namin sa bawat eksena. Hindi niya ako pinabayaan hanggang matapos ang taping. Malaking bagay din na magaan kasama ang staff nhg ‘Ipaglaban Mo.’ Masaya lang kami off cam,” sabi niya.


Gagampanan ni Enchong ang papel ni Dino, isang lalaking bata pa lang ay may medical condition ng sleepwalking kung saan naglalakad o gumagawa siya ng mga bagay habang tulog. Kabilang sa mga bawal sa kanya ay ang pag-inom dahil masama ang epekto nito sa kanyang kondisyon.

Isang gabi habang nagdiriwang ng pista ang kanilang bayan ay mapapaaway ito sa mga kapitbahay dahil pinilit siyang uminom. Uuwi siyang may sama ng loob at mahimbing na makakatulog.

Sa kanyang panaginip at sinugod siya ng kanyang mga nakaaway at ipagtatanggol niya ang sarili gamit ang bolo.

Laking gulat na lang ni Dino nang siya ay mamulat at magising na ginawa niya pala sa totoong buhay ang paghataw ng bolo. Sugatan ang kanilang mga bisita kabilang ang kanyang ama habang may isa namang tuluyan ng binawian ng buhay--- ang kanyang pitong buwang buntis na misis na si Ella (Devon Seron).

Mananagot ba si Dino sa kanyang nagawa? Sapat bang depensa ang kanyang kondisyon para pamawalang sala?

Pakatutukan ang “Ipaglaban Mo” ngayong Sabado (Mar 7) pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN. Para sa updates, sundan ang mga social media account nito na www.Twitter.com/IpaglabanMoCh2, www.Instagram.com/IpaglabanmoABSCBN, at www.Facebook.com/IpaglabanMoABSCBN.

Samantala, maaari na ring panoorin ang full episodes o past episodes ng “Ipaglaban Mo” gamit ang ABS-CBNmobile. Pumunta lamang sa www.abscbnmobile.com para sa karagdagang impormasyon.