• EVERY SATURDAY AFTER IT'S SHOWTIME
  • EVERY SATURDAY AFTER IT'S SHOWTIME
Kylie, mababaon sa hukay sa Ipaglaban Mo


Mabababaon sa nakakakilabot na relasyon si Lara (Kylie Versoza) sa piling ng selosong asawang si Jordan (Joross Gamboa) ngayong Sabado (Oktubre 27) sa “Ipaglaban Mo.”


Sa kagustuhang lumigaya ang anak, pinayagan ni Mang Kanor ang anak na iwan siya upang magpakasal ito sa nobyo. Lingid sa kanyang kaalaman, labis na pananakit ang dinanas ni Lara dahil sa matinding pagseselos ni Jordan sa dating manliligaw ni Lara na si Geloy (Luis Hontiveros). 


Pati ang ina ni Jordan ay sinaktan ‘din si Lara dahil tutol ito sa kasal ng dalawa. Naging masidhi ang pagseselos ni Jordan at nauwi ito sa pagkitil nito ng buhay ng asawa. Nang mawala si Lara, sinabi ni Jordan kay Mang Kanor na sumama na ito kay Geloy, na hindi pinaniwalaan ng ama.


Paglipas ng dalawang taon, panay pa rin ang pangungulila at paghahanap ni Mang Kanor sa anak. Isang araw, lumitaw ang isang “white lady” na namataan ng mga taga-barrio sa isang bakanteng loteng malapit sa bahay at negosyo ni Jordan. Nang isangguni ni Mang Kanor ito sa otoridad para ipahukay ang lote, nakita ang mga gamit ng nawawalang anak pati ang mga butong nahukay sa bakanteng lote. Nakilala ni Mang Kanor nag anak dahil nakita nito ang ibinigay na locket noon kay Lara. Umamin si Jordan sa krimen na nagawa pero kalaunan ay itinanggi at sinabing naipit lamang ito ng mga pulis at pilit na pinamin.  


Tuluyan na bang makakalaya si Jordan? O mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Lara?


Handog ng “Ipaglaban Mo,” ang longest-running na legal drama sa bansa, ang mga makabuluhang episode base sa totoong buhay, na maaaring mapagkuhanan ng aral. Nagbibigay rin ito ng libreng legal advice linggo-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.


Huwag palampasin ang “Hukay,” sa direksyon ni Roderick Lindayag, ngayong Sabado (Oktubre 27), pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.