• EVERY SATURDAY AFTER IT'S SHOWTIME
  • EVERY SATURDAY AFTER IT'S SHOWTIME
Dalagang ginahasa ng ama, babanggain ang buong pamilya para sa hustisya sa “Ipaglaban Mo”

 

Bibida si Louise de los Reyes bilang isang dalagang ginahasa ng ama at kakalabanin ang buong pamilya na mas piniling kampihan ang mapagsamantalang padre de pamilya ngayong Sabado (Hunyo 2) sa unang handog ng “Ipaglaban Mo” para sa ika-apat na taong pagdiriwang nito.

 

Dalaga na si Tanya (Louise) nang bumalik ang kanyang amang si Ryan (Rommel Padilla) na nagkaproblema sa trabaho nito sa ibang bansa. Sa pagbalik nito sa buhay ng kanilang pamilya, labis ang pagiging strikto nito kay Tanya lalo na nang malamang may nagtatangka nang manligaw sa babae. Madalas, nauuwi pa ito sa pananakit sa kanya ng ama.

 

Para maiwasan ang galit ng ama, pinili na lamang ng dalaga umiwas sa mga lalaki. Ngunit mas malaking kalbaryo pala ang haharapin ni Tanya nang isang araw ay pinasok siya ng ama sa kanyang kwarto at ginahasa.

 

Agad naman niya itong idinulog sa nanay at mga kapatid na babae, ngunit mas pinili ng mga itong manahimik at ipagsawalang bahala ang nangyari.

 

Paano kaya itinuloy ni Tanya ang pagpapakulong sa ama? Hanggang kailan kaya kakampi ang ina at kapatid sa tatay na may sala?

 

Apat na na taon nang nagbibigay ng kaalaamang legal ang “Ipaglaban Mo” sa mga manonood. Hindi lang sa telebisyon at sa radyo naglilingkod ang programa kung hindi personal nitong pinapakinggan ang hinaing ng masa dahil sa libreng legal advice na hatid nina Atty Jose at Jopet Sison linggo linggo sa ABS-CBN Tulong Center.

 

Bukod sa ika-apat na anibersayo ng “Ipaglaban Mo” sa ABS-CBN, ipinagdiriwang din ng programa ang ika-30 taon nito bilang longest running legal drama sa PH TV.

 

Huwag palampasin ang unang episode ng 4th anniversary specials ng “Ipaglaban Mo” na pinamagatang “Gapang,” sa ilalim ng direksyon ni Ian Lorenos, ngayong Sabado (Hunyo 2), pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN