• EVERY SUNDAY AFTER FPJ DA KING
  • EVERY SUNDAY AFTER FPJ DA KING
Alessandra, gaganap bilang tulak-droga sa Ipaglaban Mo


Mag-iipon ng tatag ng loob si Alessandra de Rossi para ipagtanggol ang katotohanan at sariling buhay nang maakusahang nagtutulak ng droga sa kanyang pagganap bilang si Josie, isang butihing nanay at mapagmahal na asawa, sa episode ng "Ipaglaban Mo" ngayong Sabado (Marso 30).  


Tinutulungan ni Josie ang asawang si Danny (Christopher Roxas) maghanapbuhay sa pamamagitan ng pagbenta ng bigas habang nadedestino sa ibang lugar ang asawa. Kalaunan, makakakuha ng trabaho sa pagpipinta sa Pangasinan si Danny. Ibibilin nito ang pamilya sa kabarkada at matagal nang kaibigang si Briggs (Ping Medina) habang nasa Pangasinan kahit na may kumakalat na haka-haka sa kanilang komunidad na "tulak" ang huli ng droga.


Sa kabila ng mga sinasabi tungkol kay Briggs, pagkakatiwalan ito ni Danny na bantayan ang pamilya habang wala sya.


Masusubukan si Josie nang  magkasakit ang isa sa kanilang mga anak at hindi makakapagbigay ng sustento si Danny. Maiisip nitong lumapit kay Briggs para humingi ng tulong.


Hanggang sa isang araw ay maaresto ng mga awtoridad si Briggs. Kanyang ituturo si Josie na siyang nagtatago ng pera mula sa buy-bust operation na kinasangkutan niya.


Aarestuhin ng mga pulis si Briggs at, sa paghahaluglog ng bahay nina Josie, makikitaan ito ng marijuana at ng diumano’y hinahanap na perang galing sa buy-bust operation. Dahil dito, aarestuhin sila ng mga pulis na sina PO3 Consuelo (Jun Nayra) at (Dunhill Banzon) SPO1 Banzon na siya ring tetestigo laban kina Josie at Briggs.


Sa paglalim ng imbestigasyon, sasabihin ni Briggs sa mga pulis na si Danny na totoong "mastermind" ng mga pagtutulak.


Masisintensyahahan kalaunan sina Josie at Briggs ng kamatayan.


Parang pinqgsakluban ng langit sina Josie at Danny at magbubuklod bilang isang pamilya at maninindigan na lalabas ang katotohanan alang-alang sa buhay ni Josie.


Paano malalaman ng korte ang katotohanan sa kabila ng mga pahayag ni Briggs sa mga pulis? Ma-abswelto pa kaya si Josie at makalaya? 


Handog ng “Ipaglaban Mo,” ang longest-running na legal drama sa bansa, ang mga makabuluhang episode base sa totoong buhay, na maaaring mapagkuhanan ng aral. Nagbibigay rin ito ng libreng legal advice linggo-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.


Huwag palampasin ang “Tulak” sa direksyon ni Marinete de Guzman, ngayong Sabado (Marso 30), pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN.