• EVERY SATURDAY AFTER IT'S SHOWTIME
  • EVERY SATURDAY AFTER IT'S SHOWTIME
Jerome at Francis, pinagkaitan ng sariling ama sa Ipaglaban Mo

Magiging masalimuot ang laban ng magkapatid, na gagampanan nina Jerome Ponce at Francis Magundayao, matapos itakwil ng sariling ama sa “Ipaglaban Mo” ngayong Sabado (Hulyo 28).

Mula pagkabata, hindi na nakagisnan nina Vince (Jerome) at Mario (Francis) ang kanilang tatay na si Rommel (Bobby Andrews) dahil na rin hindi kasal ang kanilang mga magulang. Ito ang dahilan sa matinding nilang pangungulila sa ama sa pag-aakalang ito ang kukumpleto sa kanilang pagkatao.

Ngunit sa una nilang pagkikita, ipagtatabuyan sila ni Rommel, na kasalukuyan nang may ibang pamilya. Lalo namang bibigat ang sitwasyon dahil maooperahan ang ina nilang si Letty (Ana Carpio), na ikakabaon nila sa utang.

Susubukang humingi ng saklolo ni Vince para sa kanilang pamilya, pero paninindigan ni Rommel ang kanyang desisyon at ipapamukhang wala siyang obligasyon sa kanyang mga anak.

Manalo kaya sina Vince at Mario sa kanilang laban para sa karapatan sa suporta ng kanilang ama?

Naghahandog ang “Ipaglaban Mo,” ang longest-running na legal drama sa bansa, ng mga makabuluhang episode base sa totoong buhay, na maaaring mapagkunan ng aral. Nagbibigay rin ito ng libreng legal advice linggo-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.