• EVERY SATURDAY AFTER IT'S SHOWTIME
  • EVERY SATURDAY AFTER IT'S SHOWTIME
Bonus na inaasam-asam ni Empoy ipagkakait sa “Ipaglaban Mo”


Pwede nga bang bawiin ng isang kompanya ang pangakong “Christmas Bonus” sa collective bargaining agreement (CBA) kung nalugi ang kita nito? Ito ang kakaharapin ni Empoy Marquez bilang Bryan nang kalabanin ang pinagtratrabahuhang pabrika ngayong Sabado (Disyembre 8) sa “Ipaglaban Mo.”
 


Bilang ”bread winner” ng pamilya, malaking bagay para sa isang trabahanteng si Bryan ang bonus na nakasaad sa CBA sa pagitan ng mga manggagawa at kumpanya, lalu na’t nakasalalay ‘din dito ang pondong gagamitin para makapagpakasal sa nobyang si Sheila (Karen Reyes).
 


Sa halip na bonus, maliit na bahagi lamang ng Year-End Cash benefit ang ipapamahagi ng kumpanya, kasama na ang cash advance sa mga interesadong empleyado na katumbas ng isang buwang suweldo na mababayaran sa loob ng isang taon. Ang sabi ng kanilang human relations department, malaki ang nalugi sa pabrika kaya maliit ang bonus ng mga trabahador.
 


Nag-aklas ang Unyon sa kompanya dahil dito. Pagmumulan din ito ng pag-aalinlangan sa pagitan ng magkasintahang Bryan at Sheila sa takot ng nobya na malagay sa alanganin ang pangkabuhayan nila.
 


May resolusyon pa kaya sa pagitan ng kompanya at mga trabahador nito?  Mapagtatanggol ba ng mga trabahador ang kanilang karapatan ayon sa kasunduaang unang sinangayunan?
 


Handog ng “Ipaglaban Mo,” ang longest-running na legal drama sa bansa, ang mga makabuluhang episode base sa totoong buhay, na maaaring mapagkuhanan ng aral. Nagbibigay rin ito ng libreng legal advice linggo-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.
 


Huwag palampasin ang “Bonus,” sa direksyon ni Myra Ajero-Gaite, ngayong Sabado (Disyembre 8), pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN.