Ikaw Lang Ang Iibigin, magsisimula na mamaya sa PrimeTanghali

Mapupuno ng pag-ibig at saya ang bawat umaga ng mga manonood dahil sa back-to-back na pasabog na dala ng pinakabagong serye ng ABS-CBN na “Ikaw Lang ang Iibigin” at ang pamilya ng “It’s Showtime” sa PrimeTanghali simula ngayong Lunes (May 1).

Araw-araw nang makakasama ng mga manonood sa tanghalian ang pinakaaabangang balik-tambalan nina Kim Chiu at Gerald Anderson, kasama sina Jake Cuenca at Coleen Garcia. Kasabay naman nilang magbibigay saya ang kinagigiliwang “It’s Showtime” superstars na sina Anne Curtis, Vhong Navarro, at Phenomenal Box Office Star na si Vice Ganda.

Excited na ang Kimerald sa ibabahagi nilang kuwento ng pag-ibig at pamilya na sasalubong sa unang araw ng Mayo at magpapasabik sa mga manonood.

“Ang pagbabalik-tambalan namin ay naiiba ngayon. Gusto po naming magpasalamat in advance sa suportang ibibigay nila sa tanghali,” sabi ni Kim.

“Masaya po kami dahil magkakaroon kami ng platform para maipakita sa mga tao iyong produkto namin. Naniniwala kami rito at alam po namin na ibinigay po namin ang lahat sa proyektong ito para sa fans,” sabi naman ni Gerald.

Simula Lunes (May 1), mapapanood na ang kuwento nina Bianca (Kim Chiu) at Gabriel (Gerald Anderson) na lalaban para sa pangarap at pag-ibig na siguradong magbibigay inspirasyon sa manonood.