Nagbunga ang ipinamalas na galing at tapang ng komedyanteng si Wacky Kiray matapos siyang tanghalin bilang Greatest Entertainer at makakuha ng pinakamataas na pinagsamang puntos ng judges at text votes noong Linggo (June 4) sa Kapamilya talent-variety show na “I Can Do That.”
Pinahanga ni Wacky ang mga hurado na sina Judy Ann Santos-Agoncillo at Boy Abunda pati na rin ang mga manonood na tumutok sa kanyang makapigil-hingingang wire balancing act, na umani ng total score na 93.75%. Nag-uwi si Wacky ng P1 million bilang premyo.
Naging madamdamin naman ang komedyante sa kanyang pagkapanalo at inialay ang kanyang tagumpay para sa kanyang pinakamamahal na pamilya at mga tagasuporta.
Samantala, itinanghal na second placer ang aktres na si Cristine Reyes matapos makakuha ng 83.09% sa kanyang nakamamangha at mainit na fire dancing act at nag-uwi ng P300,000. Pinabilib naman ng actor-model na si Daniel Matsunaga ang lahat matapos niyang masungkit ang puwesto bilang third placer sa pagkamit niya ng total score na 47.81% sa kanyang aerial pole act at nag-uwi ng P200,000. Hindi rin naman nagpahuli si Gab Valenciano na nagpakita ng angking husay sa kanyang ring man dance act at ginawaran bilang fourth placer at nanalo ng ng P100,000 sa pagtala niya ng 44.44% ng total votes.
Dahil nga sa mga makapigil-hiningang performances, lubos na tinutukan ng mga manonood ang “I Can Do That” noong Sabado (June 3) at nagkamit ng national TV rating na 19.7%, kumpara sa katapat na palabas na “Celebrity Bluff” na nakakuha lamang ng 12.9%, ayon sa datos ng Kantar Media.
Sinubaybayan at sinuportahan din ng netizens ang iCandidates sa kanilang performances matapos maging trending topics online ang official hashtags ng palabas na #iCanDoThatBattleForGreatness at #iCanDoThatTheGreatestEntertainer sa Twitter makalikom ng libo-libong tweets.