• MONDAY - FRIDAY AFTER FPJ's ANG PROBINSYANO
  • MONDAY - FRIDAY AFTER FPJ's ANG PROBINSYANO
skinning-image
SethDrea at KyCine, gagabayan ni Bro sa mga pagsubok sa buhay sa “Huwag Kang Mangamba”

Magbabalik ang Bro na minahal ng mga Pilipino upang magbigay ng pag-asa at damayan ang mga nangangambang puso kasama sina Seth Fedelin, Kyle Echarri, Francine Diaz, at Andrea Brillantes sa pinakabagong inspirational series ng ABS-CBN Entertainment na Huwag Kang Mangamba, na mapapanood sa Marso 22 sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, at Kapamilya Online Live.

 

 

Sa pamamagitan ng kwento ng dalawang bata na makakaranas ng himala, layunin ng seryeng iparating sa mga manonood na hindi sila kailanman nag-iisa at sa iba-ibang paraan ipinapakita ni Bro ang pagmamahal Niya araw-araw.
Magbibigay-inspirasyon si Andrea bilang si Mira, isang bulag na batang ulila. Sa kabila ng kanyang sitwasyon, hindi siya nawawalan ng tiwala kay Bro at nananatiling positibo sa buhay. Si Joy (Francine) naman ay isang rebeldeng anak na nawalan ng pag-asa sa Diyos dahil pakiramdam niyang hindi siya mahal ng kanyang pamilya.

 

 

Pagtatagpuin sila ng isang malagim na aksidente na pareho nilang ikamamatay. Subalit dahil sa himala ni Bro, muli silang mabubuhay upang tuparin ang misyon na muling maipatayo ang simbahan sa bayan ng Hermoso at ibalik ang pananampalataya ng mga tao rito. Habang susubukan nilang magkasundo, magiging hadlang sa kanilang misyon ang mga tao sa Hermoso dahil matagal na nilang tinalikuran si Bro dahil sa sunod-sunod na kamalasan sa bayan nila.

Ang tanging kakapitan na lang ng mga taga-Hermoso ay si Deborah (Eula Valdes), isang manggagamot na ipapapaniwala sa mga tao na siya ang may kagagawan ng himalang nangyari sa pamangkin niyang si Joy.

Magkakasundo kaya sina Mira at Joy para matupad ang misyon ni Bro? Paano nila makukumbinsi ang mga taga-Hermoso na mayroong Diyos kung hindi naniniwala ang isa sa kanila sa himala?

Bukod sa The Gold Squad, makakasama rin sa powerhouse cast sina Sylvia Sanchez, Nonie Buencamino, Mylene Dizon, RK Bagatsing, Dominic Ochoa, Diether Ocampo, Enchong Dee, Angeline Quinto, Matet De Leon, Soliman Cruz, Mercedes Cabral, Paolo Gumabao, at Alyanna Angeles.

 

 

Ang Huwag Kang Mangamba ay nilikha nina Rondel Lindayag at Danica Domingo, at mula sa direksyon nina Emmanuel Q. Palo, Jerry Lopez Sineneng, at Darnel Villaflor.

Inawit naman ni Angeline ang theme song ng serye na may parehong titulo at nilika ni Fr. Manoling V. Francisco, SJ.

Unang mapapanood ang Huwag Kang Mangamba ngayong Marso 20 sa iWantTFC app at website, at sa Marso 22 naman ng 8:40 PM pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa A2Z channel sa free TV at sa digital TV boxes gaya ng ABS-CBN TVplus. I-scan lang ang digital TV boxes para hanapin ang A2Z channel na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.

Sa Marso 22 na rin ito ipapalabas sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa), sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment at sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.